294 total views
Kapanalig, tayong mga Filipino ay naniniwala na ang edukasyon ay susi sa kaunlaran. Pamana nga itong itinuturing ng maraming pamilya sa ating bayan. Kaya lamang, habang tumatagal, ang pamanang ito ay kumukupas na. Tila marami na rin ang nagiging cycnical o mapang-uyam ukol sa edukasyon sa Pilipinas. Bakit kaya?
Marami ang nakakaramdam, lalo ngayong nagkaroon ng mas malawak na digital divide dahil sa pandemya, na ang edukasyon ay isang pribilehiyo na lamang. Kahit kasi sa mga public schools ngayon, mas mahirap na mag-aral, kahit pa modular ang napili na mode of learning. Dati rati kasi, ang mga guro ay tutok sa pag-aaral ng bata. Ngayon, mas nakasalalay na, lalo sa mga pampublikong paaralan, ang mga bata sa magulang para matuto. At sa bahay, kadalasan walang oras makapagturo ang magulang, at kung meron man, marami ang bitin naman sa kaalaman para gawin ito.
Nitong nakaarang mga taon, malaki ang naging learning losses ng mga kabataan. Ang learning losses na ito ay hindi lamang ukol sa mga araling hindi nila natutunan ngayon. Kasama rin dito ang kikitain nila sa kanilang buhay sa kalaunan. Ayon nga sa isang pag-aaral ng ADB, ang mga learning learning losses sa Asya ay mula 8% sa Pacific kung saan ang karamihan sa mga paaralan ay nanatiling bukas, hanggang sa 55% sa Timog Asya, kung saan ang pagsasara ng paaralan ay pinakamatagal. Ang mga learning losses na ito ay magbabawas sa pagiging produktibo ng mga mag-aaral sa hinaharap at sa kanilang panghabambuhay na kita. Tinatayang nasa $1.25 trilyon ang present value ng mga learning losses na ito para sa buong Asya. Katumbas na ito ng 5.4% ng 2020 GDP ng rehiyon.
Ang online learning kapanalig, ay makakatulong sa pag-ampat o pagpa-gaan ng learning losses na ito, kaya lamang kailangang may maayos na digital infrastructure, online content, at digital learning materials ang mga paaralan, guro, at mga mag-aaral. Malaki na ang pagbabago sa estado ng ating Internet, kaya lamang, ang mga malalayo at hirap na abutin na lugar sa ating bayan ay dehado pa rin.
Kapanalig, sana sa pagbabalik ng ating mga mag-aaral sa paaralan ay patuloy pa rin nating tugunan ang digital divide sa bansa. Ang mga krisis gaya ng pandemya ay posible pang mangyari ulit. Ang makailang learning losses pa o pagkalugi sa pag-aaral ay hindi na kakayanin ng mga mag-aaral sa ngayon at sa darating pang panahon. Malinaw na ang edukasyon ngayon ay kabuhayan hindi lamang ng mga bata sa kalaunan, kundi ng bayan. Huwag nating hayaang maging pribelihiyo na lamang ang edukasyon. Kapanalig, ang pribelihiyo ng iilan, lalo na sa edukasyon, ay maaring ikabagsak ng ating buong bayan. Ang Pilipinas ay hindi para sa mayaman lamang. Ayon nga sa Evangelii Gaudium: The dignity of the human person and the common good rank higher than the comfort of those who refuse to renounce their privileges. When these values are threatened, a prophetic voice must be raised.
Sumainyo ang Katotohanan.