208 total views
Isyu na naman, kapanalig, ang kalidad ng edukasyon. Ayon nga sa report ng World Bank, na ikanagagalit ng Department of Education (DepEd) ngayon, isa sa apat na Grade 5 students ay walang reading o mathematical skills para sa Grade 2 or 3, at apat sa limang 15-year-old students ay hindi rin nauunawaan ang mga batayan o basic na konsepto sa math gaya ng fractions at decimals na dapat ay alam ng Grade 5 pa lamang.
Masakit marinig ang ganitong mga assessment, kaya lamang, hindi naman natin maitatatwa na may problema talaga ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Para atin itong maisa-ayos, kailangan nating tingnan ang ating mga pagkukulang. Hindi lamang ang pamahalaan ang nakataya pagdating sa kalidad ng edukasyon sa bansa. Lahat tayo ay kasali dito, mula sa pamilya, hanggang sa mas malakihang lipunan.
Ayon nga sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), maramming mga salik o factors ang nakaka-impluwensya ng performance ng mga estudyante. Gamit ang datos mula sa resulta ng 2018 Program for International Student Assessment (PISA) na siya ring batayan ng World Bank Report, malaki ang papel ng magulang o tahanan sa mga positibong test scores ng mga bata. Ang PISA ay proyekto ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD).
Nakita ng pag-aaral ng PIDS na ang trabaho o occupation ng mga magulang ay may impluwensya sa test scores ng mga bata. Ayon naman OECD, ang mga estudyante na may magulang na propesyonal ang occupation o trabaho ay karaniwang mas mataas ang performance kumpara sa mga batang nasa elementary occupations ang mga magulang. Nakita rin ng pag-aaral ng PIDS na malaki rin ang ugnayan ng parental emotional support sa magandang performance ng mga bata sa PISA. Kapag mas mataas ang emotional support ng magulang, mas mataas ang performance ng mga bata. Ayon naman sa OECD, mas academically resilient ang mga bata na may magulang na nagbibigay sa kanila ng emotional support.
Ang mga resultang ito ay nagbibigay diin sa papel o bahagi ng magulang sa educational performance ng mga bata na siyang nagpapakita ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Hindi makakabwelo sa pag-aaral ang mga bata kung wala ang kanilang mga magulang sa kanilang likod na na magtutulak sa kanila tungo sa kagalingan.
Ang Mater et Magistra, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan, ay nagbibigay diin sa mahalang bahagi ng magulang sa kagalingan ng kanilang mga anak. Paalala nito: Parents must educate the younger generation to a deep sense of responsibility in life, especially in such matters as concern the foundation of a family and the procreation and education of children.