765 total views
Kapanalig, ang edukasyon ay susi hindi lamang sa mas masigla at inklusibong ekonomiya ng ating bansa, kundi sa mas maalab na pagmamahal sa bayan. Kung updated ka sa balita ngayon, malamang nakita mo na ang mga videong kumakalat kung saan hindi alam ng ilang mga kabataang mapapanood sa isang sikat na programa ang mga basic information ng ating kasaysayan gaya ng kung sino ang GOMBURZA, o kung ano ang summer capital ng ating bansa.
Sa mga ganitong pagkakataon, kadalasan nakakatutok tayo sa estudyante, o sa mga taong nagpapakita ng kakulangan sa kaalaman. Pinagtatawanan natin ang mga sumasagot ng mali, pero di natin nakikita kung sino ang nagturo ng mali o saan galing ang maling impormasyon. Ang GOMBURZA, kasama ng iba pa nating mga bayani, ay kilala dati ng mga mas nakakaraming Filipinong nagtapos ng elementarya. Noong bata din tayo, talagang tinuturo din ng maigi at ng malalim ang buhay ni Jose Rizal, kaya marami sa atin noon, alam na Pepe ang kanyang palayaw.
Kaya lamang ngayon, ibang iba na ang pagtuturo ng kasaysayan ng ating bansa. Marahil, isa ito sa mga dahilan kung bakit nag-iiba na rin ang konsepto natin ng tunay na lider at bayani. Marahil, ito rin ang dahilan ng ating kakulangan sa konsepto ng isang bayan. Isa rin kaya ito sa mga dahilan kung bakit hirap tayong ipagtanggol ang ating mga isla? Isa rin ba ito sa mga dahilan ng ating kakulangan sa nasyonalismo?
Ngayon, memorized ng maraming mga elementary students ang mga rehiyon, mga likas yaman nito, at mga pangunahing produkto nito, pero hindi nila gaano alam ang kasaysayan nito. Oriented sa business o kalakalan ang slant ng pagtuturo, na tila nawala na ng diin o emphasis ukol sa marilag o majestic na kasaysayan at kultura hindi lamang ng ating mga rehiyon, kundi ng ating buong bansa. Kasama man sa curriculum ang kasaysayan ng bayan, pero mabilis na dinadaanan na lamang ito. Pati lyrics nga ng ating pambansang awit, maayos pa ba natuturo sa ating mga kabataan, lalo ngayong nasa distance education pa ang mga karamihan sa kanila?
Kapanalig, panahon na upang seryosohin natin ang ating kasaysayan. Bigyan nating diin ang nasyonalismo at kultura ng ating bayan. Ito ay daan upang makilala natin ang ating sarili bilang mga Filipino.
Sa Mater et Magistra, kinilala ni Pope John Paul II ang pagrespeto at pagkilala sa kultura at tradisyon ng mga developing nations. Ang hindi pagkilala nito ay banta sa kapayapaan. Dama na nga natin kapanalig, ang kalituhan at gulo na dala ng kakulangan sa national identity o pagkakilanlan. Sana mabago natin ito – huwag natin ikulong sa kadiliman ng paglimot ang ating kasaysayan bilang isang bansa. May mga leksyon at pangaral ito na maaring tumulong sa atin sa kasalukuyan.