506 total views
Mga Kapanalig, para kay Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte, magkaugnay ang edukasyon at seguridad ng bansa. Kaya naman, kailangan daw ng DepEd ng 150 milyon pisong confidential funds.
Ginagamit ang confidential funds sa surveillance activities o pagmamatyag ng mga ahensiya ng gobyerno upang maisakatuparan ang kanilang mandato at maisagawa ang kanilang mga programa. Katulad ng intelligence funds o ang pondong ginagamit naman ng pulisya at militar upang kumalap ng mga impormasyong may kinalaman sa seguridad ng bansa, hindi isinasapubliko ng mga ahensiyang may confidential funds kung paano nila ito ginagamit. Dahil maaari itong magamit sa katiwalian, kailangang maging mapanuri ang Kongreso kung aling mga ahensya at mga programa ang bibigyan ng confidential at intelligence funds.
Sa panukalang badyet ng pamahalaan para sa 2024, tumaas ng tinatayang 120 milyong piso ang confidential at intelligence funds ng administrasyong Marcos Jr. Paliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, malaking bahagi ng confidential at intelligence funds ay mapupunta sa Department of Information and Communications Technology (o DICT) at Presidential Security Guard (o PSG). Gagamitin ng DICT ang pondo sa cybersecurity. Kailangan naman ng PSG ang intelligence funds upang masigurong ligtas ang pangulo sa kanyang mga biyahe sa ibang bansa. Madaling maunawaan kung saan gagamitin ng mga ahensyang may kinalaman sa isyu ng seguridad ang kanilang confidential at intelligence funds. Ngunit para sa DepEd, na ang pangunahing mandato ay tiyaking nakakamit ng mga batang Pilipino ang dekalidad at kumpletong basic education, dapat nga ba itong bigyan ng confidential funds?
Depensa ni DepEd spokesperson Michael Poa, ang confidential funds ng ahensya ay gagamitin upang pigilan ang iligal na recruitment ng mga teroristang grupo sa mga paaralan. May mga mambabatas na kumikuwestyon dito. Mas marami raw na kagyat na isyu sa sektor ng edukasyon ang kailangang tugunan at maaaring paggamitan ng pondo, katulad ng umento sa sahod ng mga guro, pagdadagdag ng mga learning materials sa mga paaralan, at pagpapaayos ng mga classrooms, lalo na ang mga nasalanta ng mga bagyo.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, binibigyang-diing ang pangunahing layunin ng pamamahala ay ang paglilingkod sa taumbayan. Ipinagkakatiwala sa mga nasa pamahalaan, bilang mga lingkod-bayan, ang kaban ng bayan. Kaya naman, kailangan ang masinop at makatarungang paggamit ng ating pondo upang makamit ang kabutihang panlahat o common good. Mahalaga rin ang mga mekanismo upang pigilan at sugpuin ang katiwalaan sa pamahalaan, dahil sabi nga ni Pope Francis, ang katiwalian ay pinagbabayaran ng mahihirap. Kapag laganap ang katiwalian at hindi maayos ang mga prayoridad at paggastos sa ating pera ng mga nasa pamahalaan, napagkakaitan ang mga mamamayan, lalo na ang mahihirap, ng mga kailangan nilang serbisyo.
Malaki ang tungkulin ng DepEd sa pagtataguyod sa kabutihan ng ating kabataan, ang isa sa pinakamahalagang yaman ng ating bansa. Ang paglalaan ng pondo para sa kanilang mga pangangailangan—pati na ang mga gurong gumagabay sa kanila—ay higit na mainam upang linangin ang kanilang mga kakayahan, kaysa mapunta ang pera sa confidential funds na hindi malinaw kung saan gagamitin at maaari pang mapunta sa kung kaninong bulsa. Higit ding mapipigilan ang mga bata sa pagsali sa mga teroristang grupo kung nakatatanggap sila ng maayos na edukasyon at kung nakikita nilang posibleng magbago ang kanilang buhay at ating lipunan dahil nakapag-aaral sila nang maayos.
Mga Kapanalig, ayon nga sa Mga Kawikaan 22:6, “turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran.” Maipakikita ito ng pamahalaan sa mga bata kung pinahahalagahan nito ang kanilang edukasyon na gagawing posible ang mapayapang daan para makamit ang pagbabago sa lipunang kinabibilangan nila. Sa ganitong paraan, tunay ngang magkaugnay ang edukasyon at seguridad.
Sumainyo ang katotohanan.