223 total views
Naniniwala ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang pagbibigay tuon sa edukasyon at pagpapaunlad ng Mindanao ang susi para mahadlangan ang terorismo.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, hindi magtatapos ang terorismo sa Mindanao sa pagkamatay nina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
“Rejoicing in the death of these terrorists will merely be temporary. Their death doesn’t mean the end of terror groups in the country,” ayon kay Fr. Secillano.
Sa halip ay dapat na bigyan tuon ng pamahalaan ang edukasyon at ang pagpapaunlad ng lalawigan para tuluyan nang mabuwag o mapahina ang impluwensya ng mga terorista.
“There must be a wholistic approach to thwarting terrorism. Education, employment, poverty eradication and infrastructure development should only be some of the measures that this government should undertake if only to dismantle or at least weaken the influence of terrorist cells,” ayon sa mensahe ni Fr. Secillano.
Inihayag kamakailan ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña na patuloy ang pag-eengganyo ng mga terorista sa mga kabataang Muslim para sumapi sa Maute-ISIS group na pinamumunuan nina Hapilon at ng Maute brothers.
Sa ulat, kinumpirma ng otoridad ang pagkamatay ni Hapilon at Omar Maute sa patuloy na labanan sa Marawi City na umaabot na sa limang buwan.
Higit na sa 1,000 ang bilang ng mga nasawi sa Marawi City, kabilang dito ang 822 terorista, 162 naman sa panig ng militar at pulisya habang 47 ang mga sibilyan.