1,367 total views
Magsasagawa ng malawakang information campaign sa masamang epekto ng paggamit ng illegal na droga ang Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth.
Ayon kay Father Kunegundo Garganta, executive secretary ng CBCP-ECY, patuloy ang pagpupulong na isinasagawa ng CBCP upang makatugon ang bawat komisyon ng simbahan sa malaking problema sa droga ng bansa.
Sa panig ng Commission on Youth, sinabi ni Father Garganta na kanilang ilulunsad ang nationwide information campaign para ipaalam sa mga kabataan ang masamang epekto ng illegal na droga sa kanilang sarili, pamilya at maging sa lipunan.
“Information dissemination, meron pa ring mga bagay na hindi talaga malinaw pagdating sa epekto ng droga at paano maiinvolve ang community in terms of addressing the issue. Awareness campaign, meron pang gap na malaki doon tungkol sa pag-intindi sa usapin ng droga. Yun ang isa sa concretely but specifically na nakikitang step to be able to be of help to widely disseminate ng issue,” pahayag ni Father Garganta sa panayam ng Radio Veritas.
Sa tala na inilabas ng Philippine National Police, simula noong Hulyo noong nakaraang taon hanggang Enero 2017, umaabot na sa higit 50 libo ang isinagawang police operations.
Mahigit sa pitong libo ang nasawi sa war on drugs ng pamahalaan kung saan humigit-kumulang sa tatlong libo ang napatay sa police operations habang umaabot sa 40-libo ang naipakulong.
Tiniyak naman ng Simbahan ang suporta laban sa illegal na droga, bagama’t patuloy ang panawagan na itigil na ang pagpaslang sa halip ay paigtingin ang programa para sa pagpapanibago ng mga taong inuugnay sa droga.
Sa panig ng simbahan, itinatag ang Sanlakbay-isang community based drug rehabilitation program na siya ring ginagawa ng iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.
Read: http://www.veritas846.ph/huwag-sumuko-sa-mga-naligaw-ng-landas-sa-droga-cardinal-tagle/