3,324 total views
Edukasyon, susi sa pag-ahon sa kahirapan
Naninindigan ang Caritas Manila na ang edukasyon ang isa sa pinakabuting paraan upang maiahon ang sarili mula sa kahirapan.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila, ito ang pangunahing layunin ng Caritas Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) na sumusuporta sa apat hanggang limang libong college scholars kada taon.
“At Caritas Manila, we strongly believe in the effectiveness of education in alleviating and eradicating poverty,” ayon sa pahayag ni Fr. Pascual na siya ring pangulo ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng pari na 800 hanggang 1,000 mag-aaral sa kolehiyo nationwide ang napagtatapos ng simbahan sa pamamagitan ng YSLEP kada taon.
Naitala naman noong nakalipas na taong 2022 ang pinakamaraming nagtapos sa kolehiyo ng scholarship program ng Caritas Manila na umaabot sa 1,695.
Umaasa din si Fr. Pascual na sa mga susunod na taon ay masasaksihan ang pagbuti ng kalagayan ng ilang mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang anak na nagtapos sa kolehiyo na siyang pangunahing hangarin ng programa.
“In a few years you can actually see the effectiveness of the program and directly witness the improvement of a once impoverished family to a family with dignity and the means to lift themselves out of poverty,” ayon kay Fr. Pascual.
Nanawagan din si Fr.Pascual sa mamamayang Pilipino na makiisa at suportahan ang YSLEP upang dumami pa ang matulungan na mahihirap na mag-aaral na makapagtapos ng kurso sa kolehiyo at mai-angat ang buhay ng kanilang pamilya.