295 total views
Mga Kapanalig, inaprubahan noong nakaraang linggo ni Pangulong Duterte ang budget para sa taóng 2017. May kabuuang 3.35 trillion pesos ang budget na ilalaan at gugugulin ng pamahalaan para sa iba’t ibang programa nito, kasama rito ang matrikulang libreng ipagkakaloob sa mga estudyante sa mga state universities and colleges o SUC. Magandang Pamasko nga ang balitang ito.
Sa nasabing halaga ng budget ng pamahalaan, 8.3 bilyong piso ang inilaan para sa Commission on Higher Education o CHED. Dito kukunin ang libreng tuition para sa mga mag-aaral sa mga kolehiyo at unibersidad na pinatatakbo ng pamahalaan. Tinatayang 1.4 milyong mag-aaral sa kolehiyo sa susunod na taon ang makikinabang sa libreng tuition.
Gaya ng inaasahan, ikinatuwa ng marami, lalo na ng mga magulang, ang balitang ito. Gayunman, may mga nagtatanong: patas at makatwiran nga bang pagkalooban ng libreng matrikula ang lahat ng estudyante sa mga SUC?
Aminado ang CHED na ang libreng tuition ay mas pakikinabangan ng mga estudyante mula sa mga pamilyang may kakayanan sa buhay. Samantala, kahit pa libre ang matrikula ng mga estudyante mula sa mahihirap na pamilya, marami sa kanila ang wala namang kakayanang tustusan ang kanilang iba pang gastusin gaya ng pambayad sa dormitoryo at mga proyekto, kaya’t nariyan pa rin ang posibilidad na hindi magtuluy-tuloy ang kanilang pag-aaral. Kaya’t noong dinidinig pa sa Kongreso ang budget ng commission, mas may pagkiling ang CHED sa pagbibigay ng mas malaking subsidya o kaya naman ay libreng tuition nga sa mga mahihirap na mag-aaral. Ang pondong sa halip na ibigay para mailibre rin ang mga mas maykayang estudyante ay maaari namang igugol sa mga programang makatutulong sa mga nangangailangang mag-aaral.
Nawa’y maging malinaw sa mga susunod na buwan ang programang ito ng ating pamahalaan, lalo na’t makatutulong ito upang mahikayat ang mga mahihirap na pagpursigihan ang kanilang pag-aaral. Magandang motibasyon ito para sa mga mag-aaral na maaaring binitawan na ang kanilang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo. Higit sa lahat, ang pagtulong sa mga mag-aaral ng SUCs ay malinaw na pagtataguyod ng kanilang karapatan sa edukasyon, bagay na kinikilala natin sa Santa Iglesia bilang mahalagang bahagi ng dignidad ng tao. Ayon sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, mahalagang makakamit ang tao ng edukasyon upang siya ay makapag-ambag sa panlipunang kaayusan at kaunlaran.
Ang edukasyong natatanggap sa mas mataas na antas, gaya ng sa kolehiyo, ay may partikular na halaga dahil dito higit na natutunan at nauunawaan ng tao ang kanyang mga pananagutan sa mas malawak na lipunang kanyang ginagalawan. Ayon pa rin sa Gaudium et Spes, upang magampanan ng tao ang kanyang mga obligasyon hindi lamang para sa sariling kapakanan kundi para sa ikabubuti ng lipunang kanyang kinabibilangan, kailangan niyang matutunan ang isang mas mataas na nibel ng kultura o pamumuhay. Ito ang antas ng edukasyong ibinibigay dapat sa mga pamantasan. Malaking tulong kung gayon ang libreng matrikula para sa mga estudyante sa SUCs dahil darami ang mga Pilipinong hindi lamang mapapahusay ang talento at kasanayan kundi mahuhubog ang buong pagkatao na kailangang-kailangan sa panahon natin ngayon.
Marami pang detalye ng programang ito ng CHED ang kailangan pang linawin. Paano ang magiging trato sa mga mag-aaral na may kakayanan naman sa buhay? Ano nga ba ang pangunahing layunin ng pondong ito: ang mabigyan ba ng libreng kolehiyo ang bawat Pilipino o ang mabigyan ng mas malaking oportunidad ang mahihirap na makapagtapos ng kolehiyo nang sa gayon ay mapataas ang antas ng kanilang pamumuhay? Maipagpapatuloy ba ito hanggang sa mga susunod na taon?
Sa huli, ang higit na magandang pamasko ay ang pagtiyak ng pamahalaan na ang bawat Pilipino, lalo na ang mga mahihirap, ay magkakaroon ng de-kalidad na edukasyon—edukasyong tutulong sa kanilang maging kapakipakinabang sa pamilya at sa bansa, edukasyong humuhubog sa kanilang pagkatao.
Sumainyo ang katotohanan.