410 total views
Muling ilulunsad ng Delegation of the European Union sa Pilipinas ang European Higher Education Fair (EHEF) para hikayatin ang mga Pilipinong mag-aral sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad sa mga bansang kasapi ng EU.
Bilang pagdiriwang sa European Year of Youth 2022 tampok sa EHEF ang temang ‘Youth for Excellence and Innovation’ bilang pagbibigay halaga sa tungkulin ng mga kabataan sa pag-unlad ng lipunan.
“This is to highlights the important role of young people in advancing education, science and research to build a better future – greener, more inclusive and digital,” bahagi ng pahayag ng EU.
Sa pamamagitan ng EHEF ay matutulungan ang mga Pilipinong estudyante, guro, mananaliksik at maging mga kawani ng iba’t ibang unibersidad sa bansa na maipagpatuloy ang paghuhubog sa mga world class higher education institutions sa European Union member States.
Sa ginanap na press conference ng EU Delegation sa Shangrila Plaza sa Mandaluyong City nitong October 27, 2022 ibinahagi ng mga Erasmus Alumni at iba pang scholarship program ng EU ang kanilang karanasan sa pag-aaral sa mga unibersidad sa Europa.
Kabilang sa nagbahagi si Georcelle Dapat-Sy o Teacher Georcelle ng G-FORCE na binigyang diin ang kahalagahan ng edukasyon sa paglinang ng kaalaman gayundin ang karanasan sa iba’t ibang kultura at tradisyon sa Europa.
Gaganapin ang European Higher Education Fair sa November 18 at 19 sa Shangri-La Plaza Atrium kung saan mahigit sa 90 higher education institutions ang makikilahok mula sa bansang Belgium, Czech Republic, Germany, Ireland, Spain, France, Italy, Hungary, Netherlands, Poland, Austria, Finladn, at Sweden.
Ayon kay EU Charge de Affaires Dr. Ana Isabel Sanchez Ruiz magandang pagkakataon itong mas lumawak ang kaalaman na makatutulong para sa pagpapaunlad ng sarili at sa pamayanan.
Sa mga nais dumalo sa EHEF, maaring magprehistro sa ehefphilippines.com o bisitahin ang EHEF Philippines sa Facebook, Instagram at Twitter para sa karagdagang detalye.