195 total views
Mananatili ang hamon at paghahanap ng katarungan ng mga pamilyang naulila sa marahas na War on Drugs ng pamahalaan sa International Criminal Court o ICC sa kabila ng opisyal na pagkalas ng Pilipinas sa hurisdiksyon ng korte.
Ayon kay Bro. Nardy Sabino, spokesperson ng Promotion of Church People’s Response, sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas mula sa Rome Statute na siyang Treaty o tratadong lumikha ng International Criminal Court (ICC) na niratipikahan ng Pilipinas noong 2011 ay mananatili ang apela na mapanagot ang administrasyong Duterte sa maraming pagpatay sa bansa.
“Nananatili po yung hamon ng mga pamilya lalo na po yung mga nag-complain sa ICC mismo na ipagpatuloy po yung imbestigasyon at prosekyusyon ni Pangulong Duterte sa kanyang mga ginawa na nagdulot ng maraming patayan sa ating bayan…” pahayag ni Sabino sa panayam sa Radio Veritas.
Noong nakaraang taon, kinundena ng Pangulong Duterte sinasabing international bias ng United Nations Special Rapporteurs na pumupuna at pinalalabas na marahas at lumalabag sa karapatang pantao ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Dahil sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ay maaalis na rin sa hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) ang bansa kung saan may nakasampang kaso laban sa madugong implementasyon ng War on Drugs ng administrasyong Duterte.
Sinasabi ng iba’t-ibang human rights group na mahigit na sa 20,000 katao ang nasawi sa marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Kaugnay nito,nasasaad sa Encyclical ni Pope Leo the 13th noong 1891 na Rerum Novarum na bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan na kabilang sa mga katungkulan ng mga otoridad na supilin at parusahan ang mga lumabag sa karapatang pantao at dignidad ng bawat isa.