7,748 total views
Pinasinayaan ng Arnold Janssen Kalinga Foundation, Inc. ang kauna-unahang Extra-judicial killing (EJK) memorial site sa bansa na matatagpuan sa loob ng La Loma Catholic Cemetery, Caloocan City.
Pinangunahan ni AJ Kalinga Foundation Inc. Founder at President, Fr. Flavie Villanueva, SVD at Diocese of Kalookan Vicar General Fr. Jerome Cruz ang pagpapasinaya at pagbabasbas sa Dambana ng Paghilom na naaangkop na himlayan para sa mga naging biktima ng madugong drug war ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Fr. Villanueva, ang Dambana ng Paghilom ay inisyatibo ng simbahan upang muling maipadama sa mga naulilang pamilya ng EJK victims ang pag-asa at paghilom sa kabila ng mga karahasang nangyayari sa bansa.
“Nagkaroon ng Dambana ng Paghilom sapagkat merong nasugatan at mayroong nanugat. Ito ‘yung sinasabi nating napakadugong trahedya na naganap noong 2016 hanggang sa pagtatapos ng pamumuno ni [Pangulong] Rodrigo Duterte. Ni-weaponize niya ang mga pulis, nagkaroon ng state killings at ito’y nagresulta sa 6,000, pahayag ng pulis, ngunit sa human rights watch, 30,000 ang bilang. Dahil sila’y nasugatan, trabaho, misyon ng simbahan ang maghandog ng paghilom,” pahayag ni Fr. Villanueva sa panayam ng Radio Veritas.
Kasabay ng pagpapasinaya sa memorial site ay ang paglalagak sa 11-urns ng drug-war victims sa pangunguna ng mga naulilang pamilya.Tinatayang 400-urns ang maaaring ihimlay sa 100 espasyo ng memorial site.
“Layunin niya ay maghandog ng may dangal na himlayan para sa mga biktima.Pangalawa, layunin niya na ituro, ipaalala sa mga nakakalimot at hindi nakakaalam, kahit sa nagmamaang-maangan na mayroong ganitong kasaysayan. Pangatlo, upang ipaalala sa mga biktima na hindi sila nag-iisa…may pananagutan ang bawat isa sa kapwa. Panghuli, ipaalala na ang bawat isa ay tinatawag na maging dambana ng paghilom sa kapwa upang ang bansang sugatan, ang simbahang nalilito at naglalakbay ay makahanap ng ilaw at gabay mula sa Panginoon na siyang unang naglikha ng dambana ng paghilom,” pagbabahagi ni Fr. Villanueva.
Kabilang sa mga dumalo sa pagpapasinaya sina Running priest Fr. Robert Reyes; Senator Risa Hontiveros; former-Sen. Leila de Lima; at forensic pathologist Dr. Raquel Fortun.
Saksi rin sa gawain ang Philippine diplomats na sina European Union Ambassador Luc Véron; German Ambassador Dr. Andreas Michael Pfaffernoschke; Dutch Ambassador Marielle Geraedts; at British Ambassador Laure Beaufils.