175 total views
Ang pananahimik ng pamahalaan at hindi pagbibigay ng konkretong solusyon sa talamak na pagpatay at Extra judicial Killings sa lipunan ay maaring ituring na pagbibigay ng basbas sa mga nagaganap na karahasan.
Ayon kay Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) Vice Chairman Fr. Eduardo Apugan, nagdudulot ng maling pananaw at interpretasyon sa mamamayan ang kawalang aksyon ng pamahalaan lalu na ang pagsuporta ng Pangulong Duterte sa pagpatay sa mga sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
“Para sa amin, itong pagpapakitang marahas ng gobyerno ay nagkaroon siya ng programa na peace and order pero ang nakikita namin dito ay naging programa ng killings, nandiyan yung extra judicial killings, extra legal killings, vigilante killings, itong lahat ng ito ay maituturing natin na sa kawalan ng pagbibigay ng atensyon dito ay nagiging state sponsored killings, in fact yung extra judicial killings ang pananahimik ng gobyerno tungkol dito at walang pagbibigay ng solusyon and in fact ang pagsasabi niya na “it’s time to kill criminals” yung mga statement ng isang Presidente ay parang isang pagpapahayag na kung saan nagiging isang state policy ito,” pahayag ni Father Apugan sa Radio Veritas.
Batay sa pinakahuling tala ng Philippine National Police noong ika-23 ng Nobyembre, umaabot na sa higit 4,600 ang bilang ng mga nasasawi sa patuloy na War on Drugs ng pamahalaan kung saan sa bilang na ito nasa 1,959-ang napatay sa gitna ng operasyon ng mga pulis habang aabot naman sa 2,646 ang bilang ng mga biktima ng summary execution sa buong bansa.
Sa kabila nito, naunang inihayag ng PNP at maging ng Philippine Drug Enforcement Agency na nasa higit 3 milyon pa ang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Magugunitang, bagamat una nang nagpahayag ng pagsuporta ang Simbahang Katolika sa layunin ng kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga ay binigyang diin nitong hindi nararapat malabag ang anumang karapatan ng mga mamamayan higit sa lahat kumitil ng buhay.