195 total views
Pagpapatunay lamang na maraming mga Filipino ang tutol sa pagkalat ng ilegal na droga sa bansa, subalit tutol sa paraan na pagpaslang sa mga hinihinalang lulong sa bisyo.
Ito ang mensahe ni in-coming Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Vice president Caloocan Bishop Pablo Virgilio David hinggil sa inilabas na Pulse Asia Survey.
“I interpret that to mean that 88% agree that illegal drugs must indeed be fought, but 78% disagree with the way it is being fought because of EJK’s,” ayon kay Bishop David.
Lumalabas din sa pag-aaral ng Pulse Asia ang pagkakaroon ng bahagi ng simbahan sa kampanya kontra droga ng administrasyon.
Ayon sa report, 58 percent ang nagsasabing dapat tumulong ang mga pinuno ng simbahan sa rehabilitation ng mga drug addicts, 46 percent ang nagsasabing dapat bantayan ng simbahan ang kampanya kontra droga at 40 percent naman ang nagsasabing dapat ikondena ang mga pagpaslang na kaakibat ng kampanya.
Naninindigan ang simbahan na hindi tugon sa war against drugs ang pagpaslang sa halip ay ang pagtulong sa mga nalululong sa bisyo na magbago at maging kapaki-pakinabang sa lipunan.
Una na ring idineklara ni Bishop David ang lahat ng simbahan sa ilalim ng Diocese ng Caloocan bilang community based rehabilitation center para tulungan ang mga lulong sa masamang bisyo na makapagbago at maging kapakipakinabang na mamamayan ng lipunan.
Ayon sa Obispo, may 3-batches na ng mga drug dependent ang nakapagtapos sa community based rehab ng simbahan ng Caloocan.
Ang Diocese ng Caloocan ay binubuo ng 27 parokya na may 32 mga pari para sa higit 2 milyong mananampalataya.
Sa Archdiocese of Manila, 12 parokya ang nagbukas ng community drug rehabilitation na kamaikalailan lamang ay may 80 recovered addicts ang nagtapos sa ilalim ng Sanlakbay sa Pagpapanibago ng Buhay 6-month program.