267 total views
Makapamumuhay lamang ng mapayapa ang bawat Filipino sa oras na matutunan ng bawat isa ang tunay na paggalang sa karapatan, dignidad at kahulugan ng buhay.
Ito ang binigyang diin ni Archdiocese of San Fernando Pampanga Archbishop Emeritus Paciano Aniceto sa patuloy na drug related killings at extra judicial killings sa bansa.
Paliwanag ng Arsobispo ang naturang mga serye ng karahasan ang pangunahing sumisira sa kapayapaan at kaayusan ng bansa.
“Ang bansa natin ngayon ay maraming mga pockets of violence at saka mga extra judicial killings that disturbs the peace of our country. So panalangin po natin hindi lang ang ating mga leaders kundi lahat tayong mga mamamayan ay mamuhay tayong mapayapa sa pamamagitan ng ating paggalang sa dignidad, sa karapatan at sa tunay na kahulugan ng buhay which is a sacred gift of God and gift of life is irreplaceable…” pahayag ni Archbishop Aniceto sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey, naniniwala ang 54-porsiyento ng mamamayan na hindi tunay na nanlaban sa mga pulis ang mga namatay sa gitna ng anti-illegal drugs operation ng PNP habang 49-porsiyento naman ng mga Filipino ang naniniwalang pawang mga inosente ang napatay ng mga alagad ng batas sa war on drugs ng pamahalaan.
Bukod dito lumabas rin sa isinagawang pagsusuri na 9 sa 10 mga Filipino ang naniniwalang mahalagang mahuli ng buhay ang mga drug suspect.
Nauna na ring inihalintulad ng Kanyang Kabanalan Francisco na bagong uri ng pang-aalipin ang drug addiction na dapat tugunan ng bawat bansa sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon upang mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga nalulong sa illegal na droga na makapagbagong buhay.