415 total views
Iginiit ni Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan na hindi pagmimina ang lulutas sa malaking pagkakautang ng bansa at muling bubuhay sa ekonomiya mula sa epekto ng krisis dulot ng coronavirus pandemic.
Ito ang panawagan ng Arsobispo kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa huling termino nito bilang pangulo ng Pilipinas.
Ayon kay Archbishop Cabantan, outgoing chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Basic Ecclesial Communities, nawa’y pag-isipang mabuti ng Administrasyong Duterte sa huling termino nito ang kaakibat na panganib ng pagmimina sa kalikasan at buhay ng mga tao, sa kabila ng pondong makukuha dito para sa economic recovery ng bansa.
“Itong mining of course, we really understand that we have a really big loss. Also, ang utang ngayon ay lumubog and maybe one of their solutions is also to open our mining. In fact, he has already said that in one of his executive orders, but I think it is just that without any regulations, it might create more destruction of life and to the environment,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cabantan sa panayam ng Radio Veritas.
Isa sa mga tinutukoy ng Arsobispo ay ang Tampakan Open Pit Mining sa South Cotabato na isa sa mga dahilan ng malawakang pagbaha matapos maganap ang pag-uulan na nagdulot naman ng matinding pinsala sa kalikasan at kabuhayan ng mga nasa malalapit na komunidad.
Pagbabahagi ni Archbishop Cabantan, ang Diocese of Marbel na pinamumunuan ni Bishop Jose Allan Casicas ay mariing tinututulan ang Tampakan mining dahil sa masamang epektong maidudulot nito sa mga kagubatan at kabundukan ng Mindanao.
“Just for instance here in Mindanao, we have more mining areas here and one of the issues right now is in Tampakan, in the Diocese of Marbel with Bishop [Cerilo Allan Casicas].They are really objecting… because it can create a lot more damage, not only to the people but also to the environment,” ayon sa Arsobispo.
Samantala, wala namang naging direktang pahayag si Pangulong Duterte sa kanyang ikaanim at huling SONA hinggil sa usapin ng pagmimina sa bansa.
Ngunit hiniling naman ng pangulo na nawa ang mga susunod na mamumuno sa bansa ay mas maging epektibo at mayroong paninindigan upang maipagtanggol at maipatupad ang mga kaukulang batas para sa pangangalaga sa kalikasan.
“I pray that our next leaders and our future generations will not squander our natural resources and fight for the integrity of our environment, in a manner fiercer and more effective than my administration had ever done,” bahagi ng SONA ni Pangulong Duterte.
Matatandaang nitong Abril ng kasalukuyang taon ay nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 130, na nagpapahinto sa 9-year moratorium ng pagmimina sa bansa na pinangangambahang higit na magdudulot ng malawakang pinsala sa natural na yaman ng kalikasan.