43,829 total views
Binigyang linaw ng mga eksperto na malaki ang kaibahan ng hawaan, sintomas, at epekto ng ‘monkeypox’ sa COVID-19.
Aminado si Dr. Tony Leachon, former adviser ng National Task Force against COVID-19, na mababa lang ang tiyansa ng pagkamatay ng mga pasyenteng may monkeypox kumpara sa COVID-19.
Gayunman, nagbabala ang eksperto na maari ring malala ang epekto ng monkeypox na hahantong sa pagkamatay ng pasyente na mahina ang immune system.
“Kaya rarely fatal po hindi kasi katulad ng COVID, lalo na in the first part na it attacks respiratory systems so nahihirapan huminga doon… Ito [monkeypox] kasi ang presentation niya [at] ang pag-atake ay sa skin. Though ang problema lang kung mahina ang immunity mo pwede kang mawala. In fact, ‘yung mga namatay na binanggit natin ay hindi elderly, so ibig sabihin may special population silang inaatake,” pahayag ni Leachon sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng eksperto na posibleng makahawa ang isang taong may monkeypox kung magkakaroon ito ng skin-to-skin o close physical contact sa kaniyang makakasalamuha.
Maaari ring maipasa ang sakit kapag kumapit sa kahit na sino ang respiratory droplets ng isang taong may monkeypox matapos itong umubo o bumahing.
Ayon sa pag-aaral at obserbasyon ng World Health Organization (WHO), maaari ring magkaroon ng hawaan ng sakit sa pamamagitan ng sexual contact.
Base sa datos, 95% ng kabuuang kaso ay naipasa sa pagkakaroon ng sexual activity at 98% ng mga infected ng monkeypox ay kabilang sa LGBTQ+ community.
Paliwanag naman ni Leachon na walang pinipiling kasarian ang hawaan at kahit sinong may malapit na contact sa infected ng monkeypox o tinutukoy na vulnerable ay maaari pa ring mahawaan.
“Iniingatan po natin na ma-stigamitize po yung kanilang grupo ‘yung LGBTQ, and perhaps siguro kailangan lang natin i-clear with transparency without offending anyone about this kasi hindi naman po ito sakit for everyone,” saad niya.
Kabilang sa mga sintomas ng monkeypox ang lagnat, panghihina ng katawan, pagkahilo, namamagang kulani, at mga rashes sa mukha, dibdib, paa, kamay, at maging sa maseselang bahagi ng katawan.
Sa loob ng isa hanggang tatlong araw na lagnat, ang mga rashes ay magsisimula nang magkaroon ng mga sugat sa balat hanggang sa maglangib ito at tuluyang matuyo.
Ayon sa eksperto, ang paggaling ng pasyenteng may monkeypox ay inaabot lamang ng 21 hanggang 28 araw, mas maikli kumpara sa mga pasyente ng COVID-19.
Pahayag ni Leachon, kinakailangang magkaroon ng mabilis na pagtugon ang pamahalaan sa paghahanda ng posibleng pagbabakuna sa mga infected ng monkeypox bagamat kaunti pa lamang ang kaso nito sa bansa.
“Prevention po ay bakuna, ‘yun pong ginagamit sa smallpox dati, dahil ito po ay same genetic material. 70- 80% ay will be effective against the monkeypox. Kaya lang po, we need to apply for a compassionate use because ‘yung smallpox vaccine ay para sa smallpox [na] gagamitin sa monkeypox,” paliwanag ng eksperto.
Unang inihayag ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas na 31 taong gulang na pasyente na dumating sa bansa noong July 19 at nagpositibo sa sakit noong July 28.
Iniulat din ng DOH, ang isang Pilipinong nahawaan ng sakit at kasalukuyang nasa isolation sa Singapore General Hospital.
Sa huling tala ng Centers for Disease Control and Prevention, higit 23,000 na ang naitalang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng monkeypox sa buong mundo.
(With Veritas News Intern – Chris Agustin)