408 total views
Iginiit ni dating Special Adviser to the National Task Force on COVID-19 Dr. Tony Leachon na hindi napapanahon ang panawagang ihinto na ang paggamit ng face shield bilang proteksyon laban sa COVID-19 transmission.
Ayon kay Dr. Leachon, malaki ang epekto ng pagsusuot ng face shield dahil nakadaragdag ito sa kaligtasan ng publiko upang maiwasan ang COVID-19 infection na maaaring makuha kapag ito’y pumasok sa mata, ilong at bibig.
“Kasi science-based tayo… We have to protect ‘yung portals of entry ng bacteria and virus, ito ay ‘yung mouth eyes and nose,” pahayag ni Dr. Leachon sa panayam sa Veritas Pilipinas.
Paliwanag ni Dr. Leachon, napatunayan sa mga pag-aaral na ang karagdagang pagsusuot ng face shield ay nagreresulta sa 78-porsyentong posibilidad na maiwasan ang pagkahawa o mahawa sa virus.
Patuloy namang ipinapaalala ng Department of Health na palaging sundin ang minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, maging ang social distancing.
“‘Yan ay pinag-aralang mabuti… In fact, ang face mask, 67% [ang protection] kung mag-isa lang siya, kapag face shield, 78% reduction ka to transmit the virus and then kapag naka-social distancing ka ng 1 meter, mga 95%. Kapag pinagsasama-sama mo ‘yang tatlo, magkakaroon ka ng 99% reduction in coronavirus transmission,” saad ni Dr. Leachon.
Paalala naman ni Dr. Leachon na huwag pa ring maging kampante sa panahon ngayong patuloy na nilalabanan at hinahanapan ng solusyon ang pandemya.
Hinihikayat nito ang lahat na panatilihing ligtas ang mga sarili at patuloy na makipagtulungan sa pamahalaan upang lubos nang malunasan ang nakahahawa at nakamamatay na sakit.
“Hindi pa po tapos ang giyera natin… Do not drop your guards. Ang kailangan natin ay to step up pa nga to the plague,” dagdag ni Dr. Leachon.
Magugunitang hiniling ni Manila Mayor Isko Moreno sa pamahalaan na itigil na ang pagpapagamit ng face shield sa publiko at sa halip ay gamitin na lamang sa mga ospital upang makabawas sa mga gastusin at isipin ng taumbayan.
Unang ipinag-utos ng pamahalaan noong Disyembre 2020 ang palagiang pagsusuot ng face shield kasabay ng pagsusuot ng face mask bilang karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.
Batay naman sa isinagawang survey noong Pebrero, anim sa sampung Filipino ang sumusunod sa face shield requirement ng pamahalaan.