31,164 total views
Nakipagtulungan ang Diyosesis ng Cabanatuan sa pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija para tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain lalu na ang bigas sa panahon ng pananalasa ng El Niño phenomenon sa bansa.
Ayon kay Father Aldrin Domingo, director ng Diocesan Social Action Center ng Cabanatuan, nakikiisa ang Diocese of Cabanatuan sa Food Council ng lalawigan ng Nueva Ecija na itinuturing bilang ‘Rice Granary of the Philippines’.
“Ang common yung experience na talagang tagtuyot, tagtuyot in a sense na may tubig tapos bigla nalang siyang matutuyo na, so yung palay mong may tubig alam mo na ang mangyayari dun, masisira nayan, and that is common sa lahat. Halimbawa ikaw ay may pastulan ng baka o meron kang pastulan ng mga kambing, tupa, ang mangyayari sayo yung mga dating pinagpapastulan mo, wala na yan, tuyo na din so hahanap ka ng iba para makuhaan sila ng pagkain and that is common to our places dito sa amin, damang-dama talaga yung pagiging tuyo, yun ang nakakalungkot lalung-lalo na sa ating mga magsasaka siyempre,” pahayag sa Radio Veritas ni Fr.Domingo
Ayon sa Pari, patuloy na pinupursige ng food council ang pamahalaan na tapusin ng mabilis ang mga itinatayong irrigations systems at dam na maaring makatulong sa mga palayan na maiwasan ang labis na tagtuyot.
Nangako si Fr.Domingo na maging tagapamagitan ng mga magsasaka sa pamahalaan para madinig at matugunan ang kanilang mga problema sanhi ng matinding tag-init.
“Sa social action part ay maging tulay din tayo para ang pamahalaan lalo’t higit na makalapit sa ating mga magsasaka, para ma-bridge natin yun, magkaroon ng mas mabilis na daluyan ng pagtutulungan kasi ang talagang tulong na magmumula ay naroon sa ating pamahalaan, naroon ang pondo para talaga sa pagpapaunlad, through helping together, magkakaroon ang bawat isa na pagkakataon na maihayag ang kanilang mga damdamin at pangangailangan , pagkakataon na maihayag ang kanilang mga damdamin nitong mga manggagawa sa agrikulutura,” ayon pa sa panayam kay Fr.Domingo
Sa pinagsama-samang datos ng pamahalaan, higit na sa isang bilyong piso sa kasalukuyan ang pinsala ng El Niño sa sektor ng agrikultura.