397 total views
Tiniyak ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang masusing pagsisinop ng mga election returns na kanilang natanggap at nakolekta para sa isinasagawa nitong Unofficial Parallel Count sa resulta ng nakalipas na halalan.
Ayon kay PPCRV Board Trustee Dr. Arwin Serrano na siya ring Director ng Voters Education and Volunteer Mobilization, masusing inaayos at sinisinop ng PPCRV ang lahat ng 4th copy ng election returns na ipinagkatiwala ng Commission on Elections sa pangunahing tagapag-bantay ng Simbahan sa halalan.
Ipinaliwanag ni Serrano na bukod sa archiving ng mga physical election returns na masinop na inilalagay sa mga kahon ay mayroon ding soft copy ang mga ito na inencode naman sa tulong ng mga PPCRV volunteers.
Pagbabahagi ni Serrano, aabot sa 95-kahon ang kakailangan upang mapaglagyan ng tig-isang libong election return mula sa iba’t ibang mga voting precinct noong nakalipas na halalan.
“Dahil sa binigyan kami ng 4th copy ng election returns ng COMELEC sini-safeguard namin ito saka maayos kami sa aming pagre-record, kaya ito bagamat mayroon kaming recording nito both in soft copy, mayroon din kaming recording nito also by a physical copy na nilalagay namin sa mga boxes na kulay green, we will be needing about 95-boxes kasi ang isang box approximately ay mga umaabot ng mga 1,000 – ERs na nakapaloob din sa envelope, yung envelope din na nakuha namin dun din namin siya ilalagay yung amin pong mga narecord sa aming mga natanggap na mga election returns.” pahayag ni Serrano sa panayam sa Radio Veritas.
Ayon kay Serrano, bahagi ng layunin ng masusing pagsisinop at archiving sa mga natanggap at nakolektang election returns ay ang pagbibigay halaga at pagkilala sa pagsusumikap at sakripisyo ng mga PPCRV volunteers.
Batay sa pinakahuling tala, umaabot na sa 99,169 na mga physical election returns ang natatanggap ng PPCRV na katumbas ng 92.01-percent mula sa kabuuang 107,785 na mga clustered precinst sa buong bansa.
Sa kasalukuyan ipanagpapatuloy ng PPCRV ang isinasagawa nitong unofficial parallel count at archiving ng election returns sa PPCRV Command Center Site B na matatagpuan sa Pope Pius XII Catholic Center sa Pandacan, Maynila.
Matatandaang ika-20 ng Mayo, 2022 ng nagtapos ang operasyon ng pangunahing tagapagbantay ng Simbahan sa halalan sa PPCRV-KBP Command Center sa UST Quadricentennial Pavillion na nagsimula noong araw ng halalan ika-9 ng Mayo, 2022.