8,077 total views
Isinusulong ni Running Priest Father Robert Reyes ang pagkakaroon nang parehong manual at automated na bilangan ng boto sa 2025 Midterm elections upang maiwasan ang malawakang dayaan sa Pilipinas.
Ito ay sa paglulunsad ng Pari sa kampanyang ‘Hybrid not Greed! Clean Campaign and Election’ para sa malinis na pangangampanya at halalan sa mga susunod na buwan.
Iginiit ng Pari na pinatotohanan ng kakilala niyang whistleblower na laganap ang dayaan sa pagbibilang ng boto gamit ang automated vote counting machine.
“Isinusuka na po sa buong mundo, yung tinatawag na electronic election ay isinusuka na po sa buong mundo kasi nama-manipulate, nako-contaminate at yung lumalabas na election results ay contaminated, hindi po totoo, kaya HYBRID NOT GREED! ibig sabihin para mawala yung greed ay i-hybrid at pananalunin natin yung mga matitino at tanggalin natin yung pandaraya na pabor sa mga ganid, swapang at mga mandaraya kaya pwede, pwede. kaya lang ilaban natin, kaya ikakalat namin yung salita, HYBRID! NOT GREED!,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Reyes.
Labis ring ikinalungkot ng Pari na umaabot sa daan-daang milyong piso ang nagiging bayaran sa COMELEC upang mabili ng mga tumatakbong indibidwal at partylist ang mga posisyon sa pamahalaan tuwing mayroong halalan.
“Halimbawa alam mo narinig ko, para manalo ang isang Partylist ito ay 300 to 400 million, siyempre hindi malalaman kung kanino binabayad, may ganung sense na sa COMELEC kasi sila yung magre-release ng resulta, o ang partylist 300 to 400 million, magkano ang congressman? magkano ang senador?,” pahayag ni Fr.Reyes sa Radio Veritas.
Katuwang na mga grupo ni Fr.Reyes ang mga urban poor community na Kabalikat sa Baseco, Samahang Magkakapitbahay sa SLIT-Zero, Jessie M. Robredo Ville Homeowners Association, Nagkakaisang Mamayan ng Legarda Incorporated at Koalisyon ng Samahang Maralitang Tagalungsod sa naging launching ng Hybrid not greed campaign.
Sa talaan ng Global Corruption Index, bagamat bumaba ng isang puwesto sa 115th noong 2023 mula sa 116th noong 2022 ang puwesto ng Pilipinas ay nanatili parin itong mataas kumpara sa may 180-bansa na kabilang sa listahan ng mga bansang malawakan ang korapsyon.