3,496 total views
Suliranin pa rin ang linya ng elektrisidad at komunikasyon sa lalawigan ng Bohol mahigit isang buwan na matapos ang pananalasa ng bagyong Odette.
Ayon kay Sr. Mariam Dungog, SEMS ng Diocese ng Talibon, sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatapos ang pagkukumpuni sa mga poste ng kuryente at mga cellular sites sa kanilang lugar.
Sinabi rin ni Sr. Mariam na sarado pa rin ang mga bangko at ilang mga pamilihan sa Diyosesis na nakakasakop sa hilagang bahagi ng lalawigan habang ilang mga establisyemento lamang ang mayroon nang elektrisidad.
“‘Yun signal po smart lang po ang pwede ma-contact as of now. ‘Yun mga bangko wala pa rin, hindi pa lahat ay may ilaw na. ‘Yung mga big establishments lang po gaya ng mga ospital, school, ‘yun simbahan. ‘Yung mga ordinaryong bahay wala pa po,” pahayag ng Madre sa pakikipag-ugnayan ng Radyo Veritas.
Aminado si Sr. Mariam na malaki pa rin ang pangangailangan ng mga residente partikular na sa mga basic food supplies.
“‘Yung relief po madami pa rin ang parishes na hindi nabigyan, nag-divide lang kami sa mga parishes na talagang may nangangailangan sa lugar nila. Relief goods po kulang pa rin talaga.”
Maliban dito, problema rin ngayon ang rehabilitasyon ng nasirang bahay ng mga residente kaya’t nananawagan sila ng patuloy na tulong.
“Ang kailangan po rito ngayon G.I sheets at plywoods para sa mga residente po na nasira ang bahay,” dagdag pa ni Sr. Mariam.
Magugunitang isa ang lalawigan ng Bohol sa pinaka napinsala ng bagyong Odette noong Disyembre ng taong 2021.
Sa datos ng lokal na pamahalaan ng lalawigan umabot sa 26,000 pamilya ang nagsilikas dahil sa pananalasa ng bagyo.
Una nang nagpadala ng tulong ang Caritas Manila at iba pang mga organisasyon ng Simbahang Katolika para sa mga naapektuhan sa Diocese ng Talibon at Diocese ng Tagbilaran na kapwa nakakasakop sa lalawigan ng Bohol.