165 total views
Maglulunsad ng Emergency Appeal ang buong confederation ng Caritas Internationalis para sa mga nasalanta ng Super Typhoon Lawin sa mga lalawigan ng Isabela at Cagayan maging sa Batanes na una ng sinalanta ng Typhoon Ferdie.
Ayon kay Jing Rey Henderson, senior communications officer ng NASSA-Caritas Philippines, dito maglalaan ang samahan ng emergency at life saving early recovery assistance at capacity building.
“Maglulunsad tayo ng emergency appeal sa buong confederation ng Caritas Internationalis kung saan dito maglalaan tayo ng emergency at life saving early recovery assistance sa Isabela at Cagayan at capacity building activities for Batanes, para maging mas resilient pa sila sa mga kalamidad pang darating at ngayon sa typhoon Lawin, eto ang ginagawa natin, now merun tayong 2 team doon (Northern Luzon) doing assessment, tinitingnan natin ang assessment until Friday para sa launching ng ating emergency appeal,” pahayag ni Henderson sa panayam ng Radyo Veritas.
Pahayag ni Henderson, nag design ang NASSA-Caritas Philippines ng emergency appeal na tatagal ng 6 hanggang 12 buwan upang matiyak na mapapakinabangan o may magandang resulta ang mga tulong sa mga komunidad.
“Nagde-design kami na emergency appeal would be running from 6 months to 1 year, kailangang matiyak na ang mga ibinigay nating tulong tama sa international standards kasi gusto nating ma-emphasize na may long lasting relations tayo sa mga community,” ayon pa kay Henderson.
Ang Caritas Internationalis confederation ay naghahanap ng pondo na gagastusin na pantulong sa mga nasasalanta ng kalamidad, ang pondo nito ay mula sa mga private donations gaya ng church collections, legacies, individual donor programmes, trust funds at corporate sponsorship habang may tulong din na nagmumula sa pamahalaan at international/multinational organizations.
Sa tuwing may kalamidad, umaapela ang mga Caritas members ng pondo para sa kanilang emergency work, pagliligtas ng buhay at pagbibigay ng kabuhayan.
Matatandang huling inilunsad ang Emergency Appeal ng Caritas Internationalis noong 2013 mula Enero hanggang Hunyo sa mga bansang may karahasan at tinamaan ng kalamidad gaya ng Central African Republic, Mozambique, Guatemala, Japan, Somalia, Pakistan, Madagascar, China, Syria, Lebanon, Myanmar at India.