14,871 total views
Patuloy ang pagbabantay at pakikipag-ugnayan ng humanitarian, development, at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa mga lubhang apektado ng low pressure area sa Mindanao.
Inilunsad ng Humanitarian Office ng Caritas Philippines ang kanilang Emergency Operational Center upang agarang matukoy ang sitwasyon sa mga apektadong diyosesis at matugunan ang pangangailangan ng mga nasalantang pamilya.
Batay sa unang situational report ng Caritas Philippines, umabot na sa halos 218-libong pamilya o 975-libong indibidwal ang naapektuhan ng patuloy na pag-uulan na nagdulot na ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa Mindanao, partikular na sa Davao at Caraga Region.
“Monitoring and coordination with the affected dioceses are on-going while preparing the initial fund for emergency operation to assist the logistical needs of the dioceses and emergency relief to the families affected,” ayon sa ulat ng Caritas Philippines.
Nabanggit din sa ulat ang mga nagsilikas kung saan nasa 103 pamilya o 407 katao ang kasalukuyang nasa loob ng evacuation center, habang 48 pamilya o 139 katao naman ang nasa labas.
Samantala, namahagi ng tulong ang Archdiocese of Davao sa karatig na Diyosesis ng Mati, Davao Oriental habang umaapela naman ng tulong ang mga Diyosesis ng Tagum, Davao del Norte at Butuan, Agusan del Norte.
“Dioceses coordinated with local government agencies and attended briefing of the response cluster by the Provincial Government. It mobilized and activated volunteers from the parishes and mission centers to give updates and monitor the situation providing a clearer view of the situation,” ayon sa ulat.
Pangunahing pangangailangan ng mga apektadong pamilya ang food packs, hygiene/sanitation kits, sleeping kits, at mga gamit sa pagluluto.
Sa mga nais magpadala ng in-kind donations, maaari itong ipadala sa tanggapan ng Caritas Philippines sa CBCP Compound sa Intramuros, Manila.
Habang sa cash donations naman, maaari itong ipadala sa pamamagitan ng BPI Account na CBCP Caritas Philippines Foundation Inc. sa account number na 4951-0071-08.
Sa mga karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan lamang sa Humanitarian Office ng Caritas Philippines sa mga numerong 0977-823-8105 o 0999-882-8281 at hanapin sina Jeanie Curiano o Cecilio “Ava” Guardian.
Paalala naman sa publiko na mag-ingat laban sa iba’t ibang uri ng scam o panloloko na layong manlinlang at makapanghamak ng kapwa.