155 total views
Walang sapat na basehan ang pagbibigay ng emergency power sa susunod na administrasyon upang masolusyunan ang patuloy na suliranin ng mabigat na daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila.
Ayon kay Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director of Institute for Political and Electoral Reform, ang suliranin sa trapiko ay maituturing na isang ordinaryong problemang dapat tugunan ng mga partikular na tanggapan o ahensyang may mandato kaugnay nito at hindi direktang prolemang dapat tutukan ng Pangulo.
“Basahin mo yung Konstitusyon, ano ang basis ng emergency power? Ang problema sa traffic ay ordinaryong problema ng governance. The President for that matter, hindi naman siya yung immediately nasa harap niyan eh. May MMDA yan eh in the case sa Maynila, mag-aapoint siya ng tao diyan bakit mo kakailanganin ng emergency power? Walang justification, ako tingin ko loko-loko yung naglabas ng ganyang proposal may ibang agenda…” Ang bahagi ng pahayag ni Prof. Casiple sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, ilang grupo ng mga negosyante ang nanawagang bigyan ng emergency power ang susunod na Pangulo, upang mas mabilis na maisagawa ang mga proyekto para sa transportasyon sa loob ng dalawang taon.
Samantala, batay sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority, nasa P2.4 bilyon ang nawawala sa kaban ng bayan kada araw, bunsod ng matinding trapiko sa mga lansangan, dahil sa nasasayang na gasolina, kuryente at pagkaantala sa trabaho ng mga manggagawa.