310 total views
Naniniwala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth sa kahandaan at hangarin ng mga kabataan na makilahok sa pagsusulong ng ganap na kapayapaan sa bansa.
Ito ang ibinahagi ni Rev. Fr. Conegundo Garganta – executive secretary ng komunisyon kaugnay sa katatapos lamang na National Ecumenical Youth Gathering for Peace.
Ayon sa Pari, nararapat na mabigyan ng naaangkop na pagkakataon ang mga kabataan na maipakita at maipahayag ang pagnanais sa pagkakaroon ng ganap na kapayapaan sa bansa.
“Ang mga kabataan ay hangad ang kalayaan. Makikita natin ito sa kanilang pagnanais na marinig ang kanilang tinig, makapag hayag ng kanilang kalooban at mga pananaw. Karaniwan bago o kakaiba ang kanilang mga ideya at mapanghamon.” mensahe ni Fr. Conegundo Garganta sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyang diin naman ng Pari na mahalaga ang karanasan ng kapayapaan upang magkakaroon ng puwang ang mga ideya at pananaw ng mga kabataan na maaaring magamit sa ganap na pagkamit ng kapayapaan sa bayan.
Paliwanag pa ni Fr. Garganta, hindi dapat madaig ng kaguluhan o anumang negatibong ideyolohiya ang pagnanais ng mga kabataan na makilahok sa mga pamamaraan upang maisulong ang kapayapaan na matagal ng hinahangad ng bawat mamamayan.
Giit ng Pari, taglay ng mga kabataan ang dalisay na paniniwala at pagtitiwala sa kaloob at pangakong kaligtasan at kapayapaan ng Panginoon para sa sangkatauhan.
“Ngunit upang makamit ang puwang para sa kanila at para na rin sa lahat, may pangangailangan na nararanasan ang kapayapaan upang lumutang ang mga malikhain at nakapagpapanibagong kaalaman at kakayahan na galing sa mga kabataan. Kailangan din huwag madaig ng mga salungat na kalagayan o sitwasyon ang pagnanais ng mga kabataan sa kalayaan upang patuloy sila na maging aktibo sa paglahok na gumawa para sa pagkakamit ng kalayaan. Taglay ang paniniwala at pagmamahal sa Diyos na siyang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan.” Dagdag pa ni Fr. Garganta.
Ang National Ecumenical Youth Gathering for Peace ay pinangasiwaan ng Kalipunan ng Kristiyanong Kabataan sa Pilipinas (KKKP), Student Christian Movement of the Philippines, National Council of Churches in the Philippines at ng Philippines Ecumenical Peace Platform (PEPP) katuwang ang iba pang mga organisasyon at institusyon na nagsusulong ng kapayapaan sa bansa.