15,936 total views
Pinasalamatan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mga pari at layko ng diyosesis sa patuloy na pakikilakbay sa kanyang pagpapastol sa nakalipas na kalahating dekada.
Ito ang mensahe ng obispo sa kanyang pastoral visit on the air sa programang Barangay Simbayanan sa Radio Veritas kung saan tinalakay ang kanyang paninilbihan sa diyosesis sa nakalipas na limang taon.
Ikinagalak ni Bishop Gaa ang kooperasyon ng mga pari at layko upang maisakatuparan at maipagpatuloy ang mga programang ipinatupad sa panunungkulan ni Bishop Emeritus Antonio Tobias.
“I’m very flattered and grateful for what they have done, when they accompanied me and teach me so that, I can be a better bishop,” pahayag ni Bishop Gaa.
Sinabi ng obispo na kanyang pagtugon sa tawag ng paglilingkod bilang obispo sa kabila ng mga agam-agam ay katulad lamang ng buong kababaang loob na pagtanggap ni Maria sa ninanais ng Diyos na ipaglihi si Hesus para kapakinabangan ng sanlibutan.
Batid ni Bishop Gaa na malaking hamon ang kakaharapin sa kanyang pagtanggap sa tungkulin noong Hunyo 2019 lalo’t sa loob ng 15 taon ng pagiging pari walong buwan lamang itong nanilbihang kura paroko sa isang parokya at iginugol ang sarili sa paglilingkod sa seminaryo sa paghuhubog ng mga seminarista.
Pinuri ng obispo ang pamamahala ni Bishop Tobias lalo na sa paghubog ng mga lider ng diyosesis na maaasahan sa kanilang gawain bilang katuwang sa mga gawaing pastoral.
“Bishop Tobias has left me very good leaders kaya ang laking tulong sa isang bishop na mayroong good leaders to work with. Hindi lang sila susunod kundi meron silang sariling kusa, may innovation, may dynamism na parang they bring new things to the table kaya napakaganda at napakalayo ng narating ng diocese,” ani ng obispo.
Dahil sa ipinamalas na kakayahan hamon kay Bishop Gaa ang paghimok sa iba pang lider ng diyosesis lalo na ng mga layko na maging aktibong kabahagi sa mga gawain at mabigyang pagkakataon ang iba na makapagsilbi sa simbahan.
“Siguro dahil nga magagaling sila parang ang hirap palitan. Kaya ang challenge sakin ngayon how to manualize everything so that anybody can occupy that position, how to put into writings the things you do, to put into writings how things are done para kahit kung sino ang ilagay mo doon s/he will work well,” dagdag ni Bishop Gaa.
Ibinahagi rin ng obispo na nagpapatuloy ang kanyang pastoral visit sa mga parokya ng diyosesis kung saan 25 sa 74 na mga parokya na ang kanyang nabisita mula nang inilunsad ang dalaw parokya noong Pebrero.
Tiniyak din nito ang pagpapabuti sa mga programang pastoral at espiritwal ng diyosesis lalo na sa halos tatlong milyong nasasakupan kung saan katuwang ni Bishop Gaa sa pagpapastol ang mahigit 300 mga pari na mayorya ay mula sa religious congregations.