4,495 total views
Inilunsad ng Catholic Relief Services – Philippines (CRS-Philippines) ang #EmpowerProject na pakikipagtulungan sa ibat-ibang ahensya ng simbahan upang mapalawak ang tulong sa mga pinaka-nangangailangan.
Nakipagtulungan ang CRS sa Caritas Philippines upang masuportahan ang mga Diyosesis at nangangailangang mamamayan ng San Carlos, Bacolod, Kabankalan, Dumaguete, Negros, Tagbilaran, Talibon, Maasin at Cebu.
Sa bisa ng inisiyatibo ay pinapatibay ng dalawang ahensya ang pagkakaroon ng mga workshop kung saan napapatibay ang mga organization structures, disaster at emergency response ng mga diyosesis tuwing makakaranas ng anumang sakuna sa hinaharap.
“These workshops encompass critical aspects of humanitarian aid, such as emergency office setup, procurement and financial management, and implementing Cash and Voucher assistance programs,” ayon sa mensahe ng CRS-Philippines.
Bahagi rin ng inisyatibo ang pagpapalalim sa kaalaman ng mga kabilang na diyosesis sa pamamahagi ng financial aid at cash vouchers sa mga masasalanta ng kalamidad sa hinaharap.
Tiniyak rin ng CRS-Philippines na bukod sa Pilipinas, ay isinasagawa narin ang mga #EmpowerProject sa Indonesia, Vietnam, Nepal, Myanmar at India.
Sa tala ng Caritas Philippines, sa matibay na pakikipag-ugnayan sa 60-diyosesis sa Pilipinas ay umaabot sa 500 hanggang 2,500-indibidwal kada diyosesis ang mga nagiging benepisyarsyo ng Social Arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Ilan sa mga inisyatibo upang itaas ang kalidad ng pamumuhay ng mga mahihirap ay ang pagpapakain ng sapat na nutrisyon sa mga batang limang taong gulang pababa upang mapigilan ang ‘stunting’ o hindi maayos na paglaki ng dahil sa malnutrisyon.
Kabilang din sa mga ito ang paglulunsad ng mga livelihood projects sa ibat-ibang komunidad upang magkaroon ng sariling kabuhayan ang mga benepisyaryong pamilya at hindi sa pamamagitan ng dole-out o one-time-big-time financial aid.