259 total views
Tinutulan ng grupo ng mga magulang ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa usapin ng K to 12 program ng pamahalaan.
Ayon kay Rey Vargas, ang tagapagtatag ng Parents for Children’s Education (PACE) hindi sapat ang ginawang konsultasyon ng pamahalaan dahil hindi ito sumangguni sa mga lehetimong organisasyon ng mga magulang at walang programang inilahad ang gobyerno para dito.
“Sinabi ng korte meron naman silang enough consultation which is on our side hindi masiyadong sufficient yung kanilang consultation. I don’t think nagkaroon ng ganoong programa ang gobyerno para i-inform ang mga magulang,” paglilinaw ni Vargas sa Radio Veritas.
Binigyan diin sa ensiklikal ni Pope Paul VI na Gravissimum Educationis o Declaration on Christian Education ang lubhang pangangailangan ng edukasyon para sa bawat indibidwal upang makatutulong sa paghubog ng pagkatao, pagpapahalaga sa buhay ng bawat isa at ang pagsusulong ng panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitikang pag-unlad sa aspeto ng tao.
Inihayag ni Vargas na hindi tutol ang PACE sa programang K to 12 subalit nais lamang nitong sundin ang nasasaad sa Republic Act 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 na sisimulan sa Kindergarten hanggang sa makatapos ng senior highschool.
Nilinaw ni Vargas na dapat ang nagpatala sa Kindergarten nang ipinatupad ang programa ang simula ng K to 12 program at ang mga nasa Grade 1 hanggang Fourth Year High School ay patatapusin na lamang gamit ang lumang curriculum na sinusunod ng Kagawarang Pang-edukasyon bago ang programa.
Hiniling ng PACE sa pamahalaan ang tamang implementasyon sa nasabing batas upang mapaghandaang mabuti ang mga programang ipatutupad sa ilalim ng K to 12 at para na rin sa kabutihan ng mga magulang.
“Ang hiling lang namin ay tamang implementation lang po dito,” saad pa ni Vargas.
Sa mahigit isang milyong nagsipagtapos ng Senior Highschool sa ilalim ng programa, marami dito ang hindi pa rin nakapapasok sa mga trabaho dahil sa kakulangan ng kaukulang pagsasanay na karaniwang hinahanap ng mga kumpanya.
Ika – 9 ng Nobyembre ng pinagtibay ng Korte Suprema ang konstitusyonalidad ng K to 12 program at ipinagwalang bisa ang inihaing apela ng iba’t ibang grupo ng mga guro, estudyante at mga magulang noong 2015.
Samantala, sinasaad sa ensiklikal na tungkulin ng pamahalaan ang mabigyan ng karampatang edukasyon bawat mamamayan at itaguyod ang kakayahan ng bawat guro na siyang lumilinang sa karunungan at kakayahan ng bawat bata sa lipunan.