371 total views
Hinimok ng healthcare ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na patuloy na kalingain ang mga higit na nangangailangan lalo na ang mga may karamdaman.
Ito’y ayon kay Camillian Priest Father Dan Cancino, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care hinggil sa paggunita sa World AIDS Day tuwing unang araw ng Disyembre.
Sinabi ni Fr. Cancino na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin mabigyang-lunas ang diskriminasyon sa mga mayroong malulubhang karamdaman tulad ng HIV/AIDS..
“Kung hindi tayo gagawa ng bold action para alisin ang inequalities at inequities sa sistema ng pamahalaan at lipunan; maalis ang mga polisiya na nagpapa-discriminate…siguradong may mga kapanalig tayong hindi makakasalo sa hapag ng Panginoon dahil iilan lamang ang nakikinabang,” pagninilay ni Fr. Cancino sa Healing Mass sa Veritas.
Tema ngayong taon ang “End inequalities. End AIDS. End pandemics” na hinihikayat ang mamamayan na kumilos upang malunasan ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan na nagiging sanhi rin ng pagkakaroon ng mga malalang karamdaman tulad ng HIV/AIDS at pandemya.
“Gumawa tayo ng aksyon at desisyon na talaga namang mapoprotektahan lalong lalo na ang mga nangangailangan, ang mga vulnerable, ang mga populasyon na madaling mahawa ng mga may karamdaman. Ito na ‘yung panahon,” ayon sa pari.
Batay sa huling tala ng HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines (HARP), umabot na sa humigit kumulang 91,000 ang bilang ng mga Pilipinong may HIV/AIDS mula Enero 1984 hanggang nitong Setyembre 2021.
Nangangahulugan ito na bahagyang tumaas ang kaso ng HIV/AIDS sa bansa ngayong taon kung saan naitala ang 33 kaso kada araw kumpara sa 22 kaso kada araw noong 2020.