159 total views
Hindi kailanman naging tama ang pagpatay upang malutas ang isang krimen.
Ayon kay Novaliches Bishop emeritus Teodoro Bacani Jr., ang mabuting layunin ay hindi ginagawang mabuti ang maling pamamaraan lalo na sa usapin ng extrajudicial killing.
Sinabi pa ng obispo, na may magandang epekto ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga, subalit marami rin itong masasamang bunga.
Idinagdag pa ni bishop Bacani na ang lahat ay may karapatang magbagong buhay at mabuhay maging sila man ay mga kriminal.
“Very simple, sa extrajudicial killings, unang napakahalagang prinsipyo hindi lang sa constitutional law kundi sa moral law ng Panginoon, ‘the end does not justify the means’, ang mabuting layunin di ginagawang mabuti ang maling pamamaraan, kung may kamalian gawin ang the most we can do dapat gamitin ang buhay ng tao at ang kanyang karapatan sa buhay ay hindi rin naman masasagasaan basta- basta lamang, makikita mo ang dahilan ng istorya, may magandang epektong nangyayari pero marami rin masasamang epekto na nangyayari,” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Samantala, patuloy ang paglaki ng bilang ng mga napapatay sa operasyon ng gobyerno laban sa iligal na droga sa kabila ng mga batikos ng ilang sektor sa mga serye ng pagpatay sa mga hinihinalang drug pushers at users.
Sa latest data ng PNP, nasa 395 na ang napapatay mula lamang July 1-August 1 habang 5,251 ang naaresto.
Umaabot na sa 545,589 sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang boluntaryong sumuko.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika ang pagpatay lalo na at sinisentensiyahan nito ang mga indibidwal na nagkasala ng hindi dumaraan sa legal na proseso na isang paglabag sa kanilang dignidad at karapatan na mabuhay.