210 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo inilunsad ng Philippine National Police (o PNP) ang tinatawag nilang “endgame” o ang finale ng war on drugs ni Pangulong Duterte. Sa mga huling buwan ng administrasyong Duterte, “upgraded” na raw ang magiging tugon ng pamahalaan sa problema ng droga sa bansa. Ayon kay PNP Chief Dionardo Carlos, kasabay ng “new normal” sa ating pamumuhay ang muling pagbabalik nila sa mga lansangan at komunidad upang tulungan ang mga biktima ng ipinagbabawal na gamot at ipagpatuloy ang pagsugpo sa supply nito.
Binansagan ang final stage ng war on drugs na Anti-Illegal Drugs Operation through Reinforcement and Education (o ADORE). Kasama ang Department of Health, Philippine Drug Enforcement Agency, Department of Social Welfare and Development, at mga lokal na pamahalaan, tututukan daw ng ADORE ang pag–abot sa mga biktima ng iligal na droga at pagtulong sa kanilang paggaling o recovery. Sa ilalim ng ADORE, bibigyan ng suporta ang tinatayang 1.2 milyong drug surrenderees o mga sumuko sa awtoridad mula pa noong ilunsad ang giyera kontra iligal na droga noong 2016.
Maliban dito, bibigyang-diin din daw sa ADORE ang kahalagahan ng edukasyon at information dissemination tungkol sa paggamit ng iligal na droga. Kaugnay nito, inilunsad din ng DOH ang Substance Abuse Helpline 1-5-5-0 na maaaring tawagan upang magbigay impormasyon at agarang tulong sa mga gumagamit ng iligal na droga. Dagdag pa ni DOH Secretary Francisco Duque, ang paggamit ng iligal na droga at pag-abuso rito ay isang medikal na kondisyong maaaring magamot kung may tamang suporta mula sa pamahalaan hanggang sa komunidad. Hangad niyang mapatibay ng ADORE ang lahat ng barangay antidrug abuse councils at maging kabalikat sila sa pagtulong sa mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Magandang balita ang paglipat ng tuon ng pamahalaan sa isyu ng droga mula sa marahas na pamaraan patungo sa pagsuporta at pagbibigay ng medikal na atensyon sa mga gumagamit ng droga. Gayunpaman, patuloy ang panawagan ng hustisya para sa mga biktima ng madugong war on drugs, na batay sa opisyal na datos ng PNP ay nasa anim na libo ang namatay sa mga antidrug operations. Sa bilang naman ng mga human rights groups, nasa 30,000 ang pinatay.
Ang dignidad at buhay ng tao ay kinakailangang sentro ng anumang programa o pagtugon nng pamahalaan sa mga suliraning kinakaharap ng lipunan. Malinaw sa mga panlipunang turo ng Simbahan na walang makabuluhang pagbabagong mangyayari sa lipunan kung hindi ito mag-uumpisa sa pagkilala sa dignidad ng tao at tutungo sa kanyang kaunlaran. Samakatuwid, tungkulin ng bawat isa, lalo na ng mga nasa pamahalaan, na siguruhing naitataguyod at napoprotektahan ang dignidad at buhay ng lahat.
Hangad natin ang maayos at makataong pagpapatupad ng ADORE o ang endgame ng war on drugs. Mahalaga ang pagbibigay ng suportang naaayon sa pangangailangan mismo ng mga taong gumagamit ng iligal na droga. Importanteng mapakinggan sila at matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Ngunit huwag nating kalimutang papanagutin ang mga nagpadanak ng dugo sa pagpapatupad ng kampanya laban sa iligal na droga. Hindi maituturing na matagumpay ang isang kampanyang ibabaon lamang sa limot ang pagyurak sa dignidad ng tao, lalo na ng mga inosente.
Mga Kapanalig, sinasabi sa Mateo 7:12: “Kaya’t anumang nais ninyong gawin sa inyo ng iba, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.” Sa finale na ito ng war on drugs, nawa’y magawa nating tunay na makinig at tumulong sa mga kapatid nating gumagamit ng iligal na droga at sa mga naulila ng war on drugs. Magwawagi lamang tayo sa endgame na ito kung makikita natin ang isa’t isa bilang mga kapwa nating may dignidad.