50,079 total views
Mga Kapanalig, kasalukuyang idinadaos sa bansa ang 18-Day Campaign to End Violence Against Women (o VAW) sa pangunguna ng Philippine Commission on Women (o PCW).
Nagsisimula ito noong Nobyembre 25, kasabay ng International Day for the Elimination of VAW, at magtatapos sa Disyembre 12, kasabay naman ng International Day Against Trafficking. Ngayong taon, layunin ng kampanyang iangat ang kamalayan at kaalaman ng publiko sa mga batas na naglalayong protektahan ang kababaihan. Ilan sa mga batas na ito ay ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004, Anti-Rape Law, Safe Spaces Act, Anti-Sexual Harassment Act of 1995, at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022. Hangad din ng kampanyang iparating sa mas nakararami ang kalagayan ng VAW sa bansa at kunin ang suporta ng publiko para sa adbokasiyang wakasan ang karahasan laban sa kababaihan.
Ang VAW ay isa sa pinakalaganap na paglabag sa karapatang pantao sa buong mundo. Ayon sa World Health Organization, tinatayang 30% o isa sa tatlong babae ang nakararanas ng pisikal o sekswal na karahasan. Sa Pilipinas, 18% o isa sa limang babaeng nasa edad 15 hanggang 49 ang nakaranas ng pisikal, sekswal, o emosyonal na karahasan mula sa kanilang asawa o intimate partner. Ayon iyan sa 2022 National Demographic Health Survey ng Philippine Statistics Authority. Ayon naman sa ulat ng Center for Women’s Resources, may halos 3,000 na VAW cases noong Enero hanggang Marso ng taong ito. Katumbas ito ng 33 VAW cases kada araw sa unang tatlong buwan lamang ng 2023.
Ngunit higit maraming kaso ng VAW ang hindi inire-report. Ayon sa PCW, 42% o dalawa sa limang babaeng biktima ng VAW ang hindi nagsabi o humingi ng tulong sa iba tungkol sa karahasang dinanas nila. Dahil sa takot at hiyang itinatanim ng ating lipunan sa mga biktima, at dahil sa victim-blaming culture at culture of silence, maraming VAW cases ang hindi inire-report. Samakatuwid, maraming biktima ang hindi napoprotektahan at hindi naaabutan ng karampatang tulong.
Lahat tayo ay pantay-pantay na nilikhang kawangis ng Diyos. Ngunit nakalulungkot na hindi sinasalamin ng ating lipunan ang pagkakapantay-pantay na ito. Sa kanyang mensahe noong nakaraang buwan, sinabi ni Pope Francis na ang violence against women ay isang “poisonous weed that plagues our society, and must be torn out at the roots.” Para itong isang nakalalasong damo na dapat tanggalan ng mga ugat. Dagdag pa niya, “where there is domination, there is abuse.” Hangga’t nananatili ang sistema ng ating lipunan na nagpapatuloy sa pangingibabaw ng isang sektor o kasarian, hangga’t nananatili ang ‘di pagkakapantay-pantay sa mundo, magpapatuloy ang kultura ng karahasan at pang-aabuso laban sa mga marginalized sectors katulad ng kababaihan. Sa mensahe nga ng Santo Papa, kailangan nating sugpuin ang violence against women sa ugat nito. Kailangan nating ituwid ang mga balangkas ng lipunang nagpapatuloy sa kawalang-katarungan at di-pantay na pagtrato sa ating kapwa batay sa kasarian, katayuan sa buhay, o anumang katangian.
Mga Kapanalig, marami pa ang kailangan nating gawin upang tuluyang wakasan ang karahasan laban sa mga kababaihan. Sa paglaban sa VAW, mahalaga ang papel ng ating mga institusyon, katulad ng gobyernong naglilingkod sa taumbayan at ng Simbahang nagtataguyod sa kabutihang panlahat. Ngunit higit pa sa ating mga institusyon, mahalaga rin ang pagkilos natin bilang komunidad at bilang indibidwal. Gaya ng wika sa Galacia 6:2, “magtulungan [tayo] sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa.” Samahan natin ang mga babae, lalo na ang mga patuloy na nakararanas ng karahasan, sa pagsusulong ng kanilang mga karapatan. Suportahan natin ang campaign to end VAW upang sama-sama nating makamit ang kalayaan mula sa karahasan laban sa kababaihan.
Sumainyo ang katotohanan.