203 total views
Pinakikilos ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs ang DOLE o Department of Labor and Employment laban sa natitira pang kumpanya na nagpapatupad ng “end-of-contract” sa bansa.
Ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, kalihim ng komisyon, kailangang ipagpatuloy ng DOLE ang target nito na umabot sa 50 porsyentong mawakasan ang kontrakwalisasyon sa pagtatapos ng taong 2016 at bigyan ng benepisyo at job security ang mga manggagawang kontraktuwal.
“Ating pinapasalamatan ang Diyos at dinidinig Niya ang panalangin ng mga mahihirap. Sana maipagpatuloy na ma – ireform nila yun sapagkat talagang kawawa ang manggagawa. So they must continue kung mayroon pang natitira na kontraktwal pa ay bigyan nila ng special benefits ang mga workers,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Veritas Patrol.
Pinayuhan rin nito ang mga employers na hindi pa rin tumatalima sa DOLE na magpakita naman ng habag at malasakit sa kanilang mga empleyadong kontraktuwal dahil ito ay labag sa kanilang dignidad.
“Sila ay magbago na sapagkat injustice yan sa mga manggagawa, yan ay kasalanan at hindi sila mapapatawad ng Diyos. Yan ay unjust sa mga manggagawa baguhin na nila ang pagpapatakbo at sana mamayani yung pagmamahal sa kapwa tao at kailangan sundin talaga yan,” giit pa ni Archbishop Arguelles sa Radyo Veritas.
Nabatid batay sa ulat ng DOLE mahigit 10, 000 manggagawa o katumbas pa lamang sa 20 porsyento ang agad na ginawang regular ng halos 200 business establishment.
Kabilang sa mga kumpanyang tumalima sa kautusan ng DOLE ay ang Philippine Seven Corporation na operator ng 7-11 convenience store na nag – regular ng 800 empleyado habang 4,800 manggagawa naman ang ginawang regular ng SM Group of Companies.
Nauna na ring binanggit ni Pope Francis sa kanyang mensahe sa United Nations na mahalagang kilalanin ng mga negosyante na mas nakahihigit ang dignidad ng tao kaysa kanilang kikitain.