265 total views
Umaasa ang DOLE o Department Of Labor and Employment na mawawala ang Endo at ang kontraktuwalisasyon sa bansa kahit hindi na matapos ang anim na taong panunungkulan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Labor secretary Silvestre Bello III, ngayon pa lamang kumilos na sila para imbestigahan ang mga kumpanyang nagpapatupad ng mga polisiyang ito na lumalabag sa karapatan ng mga manggagawa.
Sinabi pa ni Bello, sa kanyang kautusan sa DOLE regional directors, pinauuna niyang imbestigahan ang malls, agencies, hotels, food chains at factories.
Umaasa ang kalihim na bago matapos ang taon, 50% ng kontraktuwalisasyon ang mawawala sa bansa at pagsapit ng 2017 tuluyan itong maglalaho.
“Kakayanin yan, kailangan lang magtulungan sa trabaho na yan, sa ilalim ng batas strict implementation lamang, close monitoring, andiyan na ang batas, pagpapatupad na lang, all is on the right track, for the purpose of ending the endo and contractualization, yan ang polisiya ng ating pangulo ngayon, and by end of the year ma-reduce na yan by 50%, yan ang commitment natin and before the end of 2017 wala na yan,” ayon kay Bello sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, suportado ng Partido ng Manggagawa ang ginagawa ngayon ng DOLE hinggil sa tapusin ang kontraktuwalisayon.
Ayon kay Renato Magtubo ng PM, kinakailangan magkaroon ng pangkalahatang pag-i-inspeksyon sa mga kumpanya kung sila ay tumutupad sa batas ng paggawa.
Ipinanukala rin ni Magtubo sa DOLE na dahil kulang ang bilang ng labor inspectors, maaari silang kunin bilang mga inspectors upang mapabilis ang resulta ng trabaho ng DOLE.
“Pwede kami as labor leader I train o deputize to become part of their inspectors, second ang mga tripartite formations from the national down to regional, local plus industrial tripartite ay pwede ring immobilize for purposes of monitoring and inspections para lahat tayo gumagalaw at bahagi ng solusyon sa problema.”
Sa ilalim ng ‘endo’, ang isang kawani ay tumatanggap ng mas mababa sa minimum na sahod at walang benepisyo tulad ng Social Security System (SSS), Pag-Ibig at PhilHealth.
Sa ulat ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP halos 35 milyon ang manggagawang kontraktwal sa mahigit 67.1 milyong manggagawa nitong 2016.
Una ng nanawagan ang kanyang Kabanalan Francisco sa United Nations na wakasan na ang umiiral na pang – aalipin sa mga maliliit na manggagawang kumikilos sa ikauunlad ng isang bansa.