341 total views
Mga Kapanalig, sa huling debate ng mga tumatakbo sa pagkapangulo, lahat ng mga kandidato ay nangakong wawakasan nila ang kontraktwalisasyon ng mga manggagawa o mas kilala sa tawag na “endo,” short for “end of contract.” Lahat sila, totoo man o may bahid ng pamumulitika, ay nagsabing hindi makatarungan ang labor contractualization.
Ayon sa Integrated Survey on Labor and Employment na isinagawa ng Philippine Statistics Authority noong 2014, apat sa 10 manggagawang Pilipino o 39 percent ang hindi regular sa kanilang trabaho. Batay dito, tinatayang aabot sa halos 2 milyong manggagawa ang pagkatapos ng ilang buwan ay nawalan ng trabaho nang matapos ang kanilang mga kontrata.
Matatagpuan sa construction industry ang pinakamaraming bilang ng mga manggagawang hindi regular. Marami ring contractual sa mga industriya ng agrikultura at mining. At siyempre, laganap rin ang kontraktwalisasyon sa mga fastfood restaurants at malalaking shopping malls at department stores.
Tahimik ang Labor Code of the Philippines sa legalidad ng labor contractualization. Nakasaad sa batas na ang isang empleyado ay sasailalim muna sa anim na buwang “probation period.” Pagkatapos nito, magpapasya ang employer kung ang manggagawa ay gagawing regular o hindi, batay sa kanyang naging performance sa kanyang trabaho.
Ngunit, gaya na rin ng ipinunto ng isang kandidato, nahanapan ng butas ng ilang employers ang batas. Hindi na nila papaabutin sa anim na buwan ang empleyado. Ang kanyang kontrata ay hanggang limang buwan lamang. Maari siyang tanggapin muli o ma-rehire ngunit sa loob muli ng limang buwan. At dahil kailangan nina Juan at Juana ng trabaho para matugunan ang kanilang mga pagangailangan at suportahan ang kanilang pamilya, tatanggapin nila ang pagiging “endo”, ang pagiging mga manggagawang hindi kailanman bibigyan ng mga benepisyong nararapat sa isang regular na manggagawa gaya ng vacation at sick leaves, maternity leaves, health insurance, at social security.
Ang walang katapusang siklo o cycle ng labor contractualization gaya ng umiiral sa Pilipinas ay lantarang pang-aabuso ng mga negosyanteng sakim sa kita. Kung susuriin natin sa lente ng Catholic Social Teaching, malinaw na nilalabag sa baluktot na uri ng labor contractualization ang dangal ng paggawa at ang mga karapatan ng mga manggagawa.
Mga Kapanalig, ayon sa encyclical na Laborem Exercens na sinulat ni St John Paul II, ang paggawa ay mabuti sa tao para ganap niyang makamit ang kanyang pagiging tao. Sa Centesimus Annus na sinulat rin niya, idiniin ng yumaong santo papa na ang isang lipunang hindi kinikilala ang karapatan sa paggawa ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapairal ng sistematikong pagdadamot sa kanila ng pagkakataong makamit ang sapat na antas ng paghahanapbuhay ay hindi kailanman makatwiran, hindi kailanman katanggap-tanggap. Magiging mailap ang tunay na kapayapaan kung ang mga patakarang pang-ekonomiya ng isang lipunan ay kumikiling lamang sa interes ng mga makapangyarihan, at nagbubulag-bulagan sa mga pangangailangan ng mga manggagawa.
Kahapon, Mayo uno, ay ginunita natin ang Araw ng Paggawa o Labor Day. Ayon sa tradisyon, araw ito upang kilalanin ang malaking ambag ng mga manggagawa sa kaunlaran ng isang bayan. Ngunit gaano po ito katotoo sa atin sa Pilipinas?
Bilang isang lipunan, pinahahalagahan ba talaga natin ang mga manggagawa? O kasama tayo sa mga naghahanap ng paraan para makaiwas na bigyan ng benepisyo ang ating mga trabahador? Kabilang ba tayo sa mga pumipigil sa pagbubuo ng mga unyon at itinuturing natin silang abala lamang sa tuwing sila ay nagkikilos-protesta para ipaglaban ang pagkakaroon ng sapat na sahod? O kasama ba tayo sa mga nagkikibit-balikat na lamang sa isyu ng baluktot na uri ng labor contractualization?
Sinuman sa mga tumatakbong pangulo ang manalo sa Lunes, ika-9 ng Mayo, tandaannatin ang kanilang pahayag tungkol sa endo. Sisingilin natin sila sa kanilang mga ipinangako.
Sumainyo ang katotohanan.