672 total views
Ang enerhiya ang nagtutulak ng economic growth ng kahit anumang bansa. Kung walang enerhiya, maraming mga negosyo ang babagsak, ang digital economy na ating unti-unting itinataguyod ay mananamlay, at lahat ng sektor panlipunan ng bayan ay lubhang maapektuhan. Napakahalaga ng enerhiya kapanalig. At ang pasisuguro ng sapat na suplay nito ay isa sa mga pinakamahalagang tungkulin ng ating pamahalaan ngayon.
Noong nakaraang taon, maraming pagkakataon na naglabas ng energy supply warning ang pamahalaan. Noong nakaraang Disyembre lamang, nagsabi na ang Department of Energy na dahil sa manipis na suplay ng kuryente, magiging mas madalas ang mga yellow and red power alerts sa atin. Inaasahan din na mas madalas pa ang mga warning na ito, lalo na pagdating ng tag-init. Paano ba maiiwasan ng bansa ang mga ganitong pangyayari?
Mahabang proseso kapanalig ang pagdadaanan pa natin upang magkaroon tayo ng energy security. Malaking gastos ito- gastos na hirap salubungin ng pamahalaan lalo pa’t panahon ng mataas na inflation at mas makulimlim na global financial outlook.
Isa sa mga paraan upang matiyak ang enerhiya sa ating bansa ay ang pagsusulong ng green o renewable energy sa ating bansa. Mahal kasi ang krudo kapanalig, na isa sa mga pangunahing source o pinagkukunan natin ng enerhiya. Noong 2020, tinatayang umabot sa 32.4 million tons of oil equivalent ang total final energy consumption ng ating bansa. Mas mababa na ito ng 10.7% mula 2019, pero kapanalig, mataas pa rin. At alam naman natin na hanggang ngayon, mahal pa rin ang langis sa merkado, kaya malaking gastos ito para sa pamahalaan at para na rin sa ating lahat.
Kaya lamang, ang pagtatayo ng mga imprastraktura para sa green energy ay magastos din. Pero kapanalig, mahal man ito, ito ay isang investment na sustainable at makabubuti para sa ating planeta. Ito ay wise investment para sa ating kinabukasan at para sa mga susunod pang henerasyon.
Dahil mahal at kailangang iprayoridad, mainam na maging big player sana sa larangang ito ang private sector. Mahalaga sa negosyo ang energy security. Ang kanilang mas aktibong pakikilahok dito ay maituturing na rin na survival at longevity strategy para sa kanilang mga negosyo. Maliban pa dito, magiging mas socially responsible sila. Ang pagtulong sa pagtataguyod ng renewable energy infrastructure sa ating bayan ay isang philanthropic at socially responsible action na malaki ang legacy o pamana para sa Pilipinas. Sabi nga sa Pacem in Terris, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: Every civil authority must take pains to promote the common good of all, without preference for any single citizen or civic group. Sana mas aktibo pang makilahok ang private sector sa pagtitiyak ng enerhiya sa ating bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.