137,718 total views
Ang sektor ng enerhiya ay kritikal sa ating bansa. Ito ang pundasyon ng mga industriya, komersyo, at pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan. Kung hindi natin mahaharap ang mga hamon na umaaligid dito, malaking problema ang sasalubong sa ating bayan sa kalaunan.
Isa sa pinakamalaking hamon sa sektor ng enerhiya sa Pilipinas ay ang kakulangan sa sapat at abot-kayang suplay ng kuryente. Marami mang development sa energy generation ng ating bansa, may mga pagkakataon pa rin na numinipis ang suplay ng kuryente sa ating bayan. Maaring mas numipis pa ito, lalot napipintong maubos na ang suplay sa Malampaya natural gas fields nitong 2024 hanggang 2025, ayon sa isang pag-aaral ng International Trade Administration ng US Department of Commerce. Sinu-supply nito ang 30% ng enerhiya ng Luzon.
Ang extreme weather events ay malaki rin ang epekto sa enerhiya ng bayan. El Nino ngayon, at umiinit na ng umiinit sa ating bansa. Ang pagtuloy ng pag-init na ito ay nagpapataas pa ng demand at konsumo ng elektrisidad. Pagdating ng summer, mas tataas pa ang demand para dito, na maaaring magdulot ng mas manipis na suplay ng kuryente.
Mayroon ding mga isyu sa sektor ng enerhiya kaugnay ng kakulangan sa pamumuhunan at pag-unlad sa imprastraktura. Ang pagpapabaya sa mga upgrade at maintenance sa mga planta ng kuryente at grid system ay nagdudulot ng mga pagkaantala at pagkaputol ng serbisyo. Dagdag pa ang inefficiencies sa sistema ng distribusyon ng kuryente sa maraming lugar, na nagdudulot ng kakulangan ng access sa kuryente. Karaniwan ito sa mga probinsya at remote areas ng ating bayan.
Reliant o nakadepende pa rin tayo sa coal at fossil fuels ngayon para sa ating suplay ng enerhiya. Malaking hamon ito dahil mapanganib at mapanirang source of energy ito – naglalabas ito ng emisyon na nagpapainit ng mundo at nagdudulot ng pollutants na masama ang epekto sa kalusugan ng tao at kapaligiran. Kailangan ng bansa ng mas maraming renewable sources of energy tulad ng solar, wind, at hydroelectric power.
Kapanalig, kailangan nating tiyakin na ang suplay ng ating kuryente ay consistent at sustainable. Maari natin itong magawa kung mas mapapalawak natin ang paggamit ng renewable energy. Ang pag-invest sa mga teknolohiya para dito, at para sa sa energy storage at grid improvements ay maaaring tumulong sa pagtitiyak ng sustainability ang enerhiya sa bansa.
Marami at malaki man ang mga hamon sa sektor ng enerhiya sa Pilipinas, mauungusan natin ito sa pamamagitan ng tamang pamamahala, pagtutok sa malinis at renewable energy, at pagsuporta sa lokal na industriya. Huwag nating hayaan na business as usual ang patakaran sa energy sector dahil sa kalaunan, kung magtutuloy ito, tayo at ang bansa natin ang talo. Mawalan lamang ng kuryente sa bansa ng limang oras, tinatayang P566 million na ang nawawala sa ating ekonomiya. Ang pagtitiyak ng sustainable energy sa bansa ay bahagi ng ating tungkulin bilang Kristiyanong Katoliko at bahagi ng prinsipyo natin ng kabutihan ng balana o ng common good. Ang enerhiya ay isang common good na dapat nating pangalagaan dahil ito ay isang biyaya na nakalaan para sa kasulungan ng lahat. Ayon nga sa Compendium of the Social Doctrine of the Church: The common good is always oriented towards the progress of persons. Kapag sustainable ang enerhiya natin, tuloy tuloy ang paglago ng bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.