2,351 total views
Kapanalig, marami sa atin ang nagrereklamo ngayon sa taas ng bayad sa kuryente. Panahon ng tag-init, kaya’t tumataas din ang ating pagkonsumo ng kuryente sa bahay.
Ayon nga sa 2011 Household Energy Consumption Survey, ang elekstrisidad ang pinaka-karaniwang source o pinanggagalingan ng enerhiya ng mga kabahayan sa ating bayan. Mga 87% ng 21 milyong kabahayan ay elektrisdad ang pangunahing gamit, kahit pa sa mga kanayunan, kahit mayroong kerosense, LGP at uling. Pagdating sa ilaw, 74% ng mga kabahayan o households sa ating bayan, elektrisdad pa rin ang pangunahing source.
Ngayong mas mainit, tumataas ang pagkonsumo natin. Hindi lamang tayo gumagamit ng elektrisidad para sa pagluto o para sa ilaw, kundi para na rin sa mga aircon at electric fans na mas mataas ang pagkonsumo sa kuryente.
Ngayon nga, tumaas pa ang singilan sa kuryente sabay sa pagtaas ng demand. Ngayong tag-init, tinatayang tataas ang demand para elektrisidad ng 1.5%, at aabot ito ng 9,900 megawatts, lalo ngayong Mayo. Pero kapanalig, noong Marso 24 pa lamang, ang demand natin sa elekstrisidad ay umabot na ng 9,400 megawatts.
Maliban sa gastos, kapanalig, may mahalagang dahilan pa upang tayo ay magtipid sa enerhiya o elekstrisidad. Unang una, ang pangunahing source ng ating enerhiya ay finite o nauubos – ang coal at langis. Maraming salik ang nakaka-apekto ng supply nito – ang pan-daigdigang merkado, ang pagtaas at pagbaba bg dolyar, ang suplay mula sa ibang bansa, ang kalagayan ng mga power plants at iba pa. At sa bawat layer o lebel ng proseso na dinadaan ng coal at langis para maging elekstrisidad, may kaakibat na gastos-gastos na tayo rin, sa kalaunan, ang papasan.
Ang pag-gamit din ng mga non-renewable energy sources na ito ay may epekto sa ating kalusugan at kapaligiran. Nag-e-emit ang mga ito ng karbon na nag-papa-init ng mundo at polusyon na pumapasok sa ating baga. Anong klaseng mundo kapanalig, ang iiwan natin sa susunod na henerasyon kung patuloy ang pagtaas ng pag-gamit natin ng enerhiya?
Kaya nga kapanalig, ang pagtitipid sa pag-gamit ng enerhiya ay hindi lamang pagsasalba sa gastusin. Pagsasalba din ito ng ating buhay. Dapat lamang na humanap at gumawa tayo ng paraan na akma sa ating mga konteksto upang makatipid sa pag-gamit ng kuryente. Ang pag-gamit ng mga energy-efficient lighting ay isang paraan, at ang pag-gamit ng mga non-renewable energy sources ay isa ring magandang gawain.
Kapanalig, maaring tayong bigyan ng inspirasyon ng panlipunang turi ng Simbahan ukol sa pagtitipid ng enerhiya at elektrisidad. Ayon sa Laudato Si, kung iisipin natin ang mundong ating iiwan sa kabataan, mag-iiba ang ating pananaw. Malalaman natin na ang mundo ay biyaya na ating natanggap na dapat din nating ibahagi sa iba. Hindi natin ito dapat gamitin para sa pansariling ganansya lamang.