162 total views
Kasinungalingan ang mga pahayag ni dating Senador Juan Ponce Enrile na walang hinuli at napatay sa panahon ng martial law ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon sa dating mambabatas na si Satur Ocampo, dokumentado ang bilang ng mga hinuli at napatay ng Task Force Detainees of the Philippines, Amnesty International at ilang international entities.
“Napakatalamak na pagsisinungaling ‘yan’” ayon kay Ocampo sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon sa dating mambabatas, kinilala ng Kongreso ng bansa ang mga biktima ng martial law sa pamamagitan ng pagpasa ng batas.
“Dapat ang isipin ni Enrile na naging Senate president pa. Ipinasa ng Congress of the Philippines, Compensation and Recognition of Human Rights Violation Act na kumikilala sa higit ten thousand na victims na nagkasala ang Marcos Martial law regime,” ayon kay Ocampo.
Si Ocampo na isang aktibista ay kabilang din sa mga biktima ng martial law at nakulong sa panahong umiiral ang batas militar sa bansa.
“May batas na nagsasabi na totoo ang martial law, totoo ang paglabag sa karapatang pantao, yung mga pinatay, dinukot, tinorture at ang accountable diyan ay ang Marcos Government,” ayon pa kay Ocampo.
Iginiit ni Ocampo na isang pagpapatunay ang pagtatayo ng bantayog ng mga Bayani bilang pagpapaalala sa kagitingan ng mga naging biktima ng martial law.
Tinatayang aabot sa higit 3,000 ang napaslang, habang umaabot sa higit 75,000 indibidwal ang nakaranas ng pagpapahirap sa panahon ng batas militar.
Sa isang mensahe ni Pope Francis binibigyan halaga nito ang madilim na kasaysayan ng isang bansa lalu na sa mga nagbuwis ng buhay para sa kalayaaan- na nawa ay magsilbi itong aral upang patuloy na ipagtanggol ang katarungan at kasarinlan bilang ilaw ng pag-asa.