339 total views
Hinikayat ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na patuloy na isaalang-alang ang pangangalaga sa kalikasan kasabay ng nararanasang epekto ng krisis dulot ng Coronavirus disease.
Ayon sa mensahe ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP–Episcopal Commission on the Laity, bagamat nagtapos na ang paggunita sa Season of Creation ay matatapos na rin ang tungkulin ng bawat isa na pangalagaan ang ating inang kalikasan.
Sinabi ng Obispo na ang pangangalaga sa ating kalikasan ay isang nagpapatuloy at mas mabigat na krisis kumpara sa pandemyang nararanasan ngayon.
“Hindi po dahil sa nagtapos na ang Season of Creation, na tapos na ang ating pag-aabala at pag-alaga sa inang kalikasan. Ito po’y isang patuloy na krisis at mas mabigat na krisis kaysa sa virus. Kaya sana po patuloy na isaalang-alang natin ito”, mensahe ni Bishop Pabillo sa Healing Mass sa Veritas
Karaniwang nagtatapos ang paggunita sa Season of Creation kasabay ng kapistahan ni San Francisco de Asis, ang patron ng kalikasan, ngunit pinalawig ito sa Pilipinas hanggang ika-11 ng Oktubre, upang gunitain ang Indigenous Peoples’ Sunday.
Ito’y bilang pagkilala sa ambag ng mga katutubong tunay na tagapangalaga at tagapangasiwa ng ating inang kalikasan.
Hinihimok naman sa ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga mananampalataya na pangalagaan at protektahan ang sangnilikha upang hindi ito magdulot ng pinsala.