2,043 total views
Hinimok ng EcoWaste Coalition ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na lumikha ng mga polisiyang mangangalaga sa kaligtasan ng kalusugan ng tao at kalikasan laban sa mga basurang nagmumula sa ibang bansa.
Ito ang panawagan ng grupo kaugnay sa nalalapit na ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos.
Tinukoy ng EcoWaste ang pagpapatibay sa Basel Convention Ban Amendment at ipatupad ng pamahalaan ang pagbabawal sa pag-angkat ng basura, kabilang na ang electronic, plastic, at iba pang mapanganib at nakakalasong basura.
Ayon kay EcoWaste national coordinator Aileen Lucero, mahalagang mapagtibay na ang nasabing international law upang hindi na muling maulit ang insidente limang taon na ang nakakalipas.
Magugunita noong Hulyo 21, 2018 nang dumating sa Northern Mindanao ang barkong lulan ang mga basura mula sa South Korea na inakalang plastic synthetic flakes na karaniwang ginagamit sa pagre-recycle.
“As we recall this deplorable dumping incident, we remember with pride the patriotic stance taken by our vigilant customs, environmental and local government authorities in Region 10, together with the civil society, not to allow the Korean waste to be landfilled or incinerated in Mindanao,” pahayag ni Lucero.
Taong 1993 nang pagtibayin sa bansa ang Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal.
Ngunit apela rin ng mga makakalikasang grupo na pagtibayin ang Basel Amendment na ipinagbabawal ang paglalabas ng hazardous wastes mula sa developed patungo sa developing countries tulad ng Pilipinas para sa reuse, recycling, recovery operations, at iba pang dahilan.
Maliban sa mga basurang mula sa South Korea, may mga nauna pang insidente ng ipinadalang basura sa bansa mula sa Canada at Hongkong.
“The EcoWaste Coalition appeals anew to our nation’s leaders to get the Basel Convention Ban Amendment ratified and for other preventive measures to be enacted, including banning waste importation, to put an end to waste dumping and uphold environmental health and justice. We request the president to positively respond to our appeal through his SONA,” apela ni Lucero.
Naibalik naman sa South Korea ang nasa 364 containers ng basura na may bigat na 7,408 tonelada mula Enero 2019 hanggang September 2020 sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Enero 2023 naman nang sumulat ng liham ang EcoWaste kay Pangulong Marcos at Environment Secretary Toni Yulo-Loyzaga upang iapela ang agarang pagpapatibay sa Ban Amendment.
Binigyang-diin naman sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco ang kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran dahil sa kasalukuyan ay unti-unti nang nagiging malawak na tambakan ng basura ang daigdig.