2,590 total views
Pagtutuwid ng buhay na naaayon sa kalooban ng Panginoon.
Ito ang mensahe ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista sa liham-pastoral kaugnay sa pakikiisa sa ika-14 na Season of Creation 2023 sa Diyosesis ng Imus.
Ayon kay Bishop Evangelista, ang mga kataga ni Propeta Amos na “Let Justice and Peace Flow” na tema ng panahon ng paglikha ngayong taon ay layong hikayatin ang mga mananampalataya na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos na maihahalintulad sa malinis na batis na dumadaloy sa puso ng bawat isa.
“Ang bukal ng batis na ito ay biyaya ng Diyos na ipinagkakaloob sa atin katulad ng biyaya ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig na tinanggap natin noong tayo ay binyagan.” pahayag ni Bishop Evangelista.
Kaugnay nito, ibinahagi ng Obispo na magkakaroon ng Environmental Summit ang diyosesis ngayong unang araw ng Setyembre, mula alas-syete ng umaga hanggang alas-tres ng hapon sa Our Lady of the Pillar Seminary sa Imus, Cavite.
Layunin ng pagtitipon na talakayin ang kalagayan ng diyosesis na nahaharap sa iba’t ibang usaping pangkalikasan.
Tinukoy ni Bishop Evangelista ang lumalalang suliranin ng lalawigan ng Cavite sa pamamahala sa basura, suplay ng tubig, at polusyon sa hangin mula sa mga pabrika at sasakyan.
Gayundin ang pagpuputol ng mga puno, pagkasira ng karagatan at kawalan ng hanapbuhay sa mga pamayanan dahil sa road widening land conversion, at seabed quarrying projects.
Ipinag-utos naman ng obispo sa bawat Episcopal District ng diyosesis na hikayatin ang mga kinasasakupang mananampalataya na makibahagi sa tree planting at urban gardening activities.
“Sana po ay makiisa kayo sa mga gawaing ito na malaki ang maitutulong para sa kalikasan at tayo rin ang makikinabang.” saad ni Bishop Evangelista.
Sa Pilipinas, ang Diyosesis ng Imus ang unang naglunsad ng Season of Creation noong 2009 sa pangunguna ni Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization Cardinal Luis Antonio Tagle na noo’y Obispo ng Imus.
Ito ang nagbunsod sa iba pang diyosesis sa bansa na makibahagi sa Season of Creation bilang pagkilala sa handog ng Diyos sa sangkatauhan–ating nag-iisang tahanan.
Ipagdiriwang ang Season of Creation sa buong buwan ng Setyembre hanggang Oktubre 4 – kapistahan ni San Francisco ng Assisi, ngunit pinalawig ito sa Pilipinas hanggang ikalawang Linggo ng Oktubre bilang paggunita sa Indigenous People’s Sunday.