224 total views
Nagsilbing “wake up call” sa mga Simbahan sa hilagang Luzon ang naging epekto ng bagyong Lawin.
Aminado si Father Carlito Sarte, Social Action Director ng Diocese of Ilagan na isang malaking hamon sa kanila ang magkaroon ng ibayong kahandaan sa anumang kalamidad dahil sa matinding pinsala na iniiwan ng bagyong Lawin sa pamumuhay ng mamamayan.
“Like what happen now in lawin, wake up call ito sa amin na lahat ng parokya lahat ng sectors na sakop ng simbahan, mga organization dapat ma trained for disaster responses ito ang lagi natin problema in times of disaster we always rely on outside help,”pahayag ni Father Sarte sa Damay Kapanalig.
Inihayag naman ni Father Augustus Calubaquib ng Archdiocese of Tuguegarao na ang pagtulong sa mga apektado ng kalamidad ay bahagi din ng misyon ng Simbahan bukod sa pagbabahagi ng pananampalataya.
“Magandang malaman na ang Simbahan ay hindi lang concern sa pagdarasal although yun ang primary na trabaho kaya lang ang Simbahan ay kinakailangan din tugunan ang pangangailangan ng tao, yung the wholeness of the person, hindi lang isprituwalidad pero lahat po ng concern ng isang tao ay kailangan tugunan ng simbahan,”ani Fr. Calubaquib sa Damay Kapanalig.
Malugod namang nagpapasalamat ang Diocese of Ilagan at Archdiocese of Tuguegarao sa tulong na ibinahagi ng iba’t-ibang institusyon ng Simbahang katolika.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng Diocese of Ilagan at Archdiocese of Tuguegarao ang programa para sa rehabilitasyon at kabuhayan ng mga napinsala ng bagyong Lawin.
Batay sa datos ng Caritas Philippines, aabot sa P2 milyong piso ang pondo na kanilang paunang inilaan para sa mga nasalanta ng bagyong Lawin habang ang Caritas Manila ay naglaan naman ng P900 libong piso.