691 total views
May isang pag-aaral mula sa World Bank noong Hulyo 2020 na naglahad ng epekto ng COVID-19 pandemic sa mga lokal na kumpanya o local firms. Ang pag-aaral na ito ay base sa survey ng mga 74,031 firms sa ating bayan.
Ayon sa survey, noong simula ng lockdown sa bansa, mga 77% ng negosyo ang tumigil ng operasyon. Noong Hulyo 2020, 40 percent sa mga kumpanyang nasurvey ay pansamantalang sinuspinde pa rin ang kanilang operasyon habang 15 percent naman ang tuluyan ng nagsara. Ayon naman sa isang report mula sa ADB noong Setyembre 2020, ang Pilipinas ang pinakamaraming micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na pansamantalang nagsara noong nakaraang taon sa Southeast Asia.
Lumuwag man ang mga quarantine restrictions, marami pa ring mga kumpanya sa bansa ang nakaranas ng malalim na pagbagsak ng kita. Ayon sa World Bank, ang sales revenue ng mga local na kumpanya ay bumagsak ng 64 percent sa pagitan ng Abril at Hulyo 2020. Ayon pa sa 89 percent ng mga kasama sa survey, tuloy tuloy pa rin ang pagbagsak ng kanilang kita.
Ang pagliit ng kita ng mga negosyong ito ay may malawak na ripple effect na unang-unang tumama sa kanilang mga empleyado. Isa sa dalawang kumpanya ang nagsabing naging mas maliit ang sweldo nila para sa kanilang mga tauhan, at halos kalahati naman ng mga nasurvey ang nagsabi na nagbawas din sila ng mga empleyado.
Ang epekto ng pandemya sa mga negosyo ay nagdulot ng malakawang epekto rin sa ating ekonomiya, na tuloy tuloy na nakakaranas ngayon ng pagbaba ng gross national product (GNP) mula 1st quarter ng 2020 hanggang sa 1st quarter ng 2021.
Kaya nga kapanalig, kung nais natin masagip ang ekonomiya, kailangan nating sagipin ang mga negosyo sa bansa, lalo ang mga MSMEs na siya ngang gulugod ng ating ekonomiya. Isa sa dapat nating pangunahing gawin ay ang panunumbalik ng kumpiyansa ng mga mamimili at mga negosyo sa bayan sa pamamagitan ng mas malawakang vaccination program, mas maayos at maliwanag na polisiya at pamamahala sa panahon ng pandemya, at patuloy na programa hindi lamang para sa imprastraktura kundi para sa social assistance na rin.
Malaki ang hamong kinahaharap ng pamahalaan ngayong huling mga taon ng Duterte administration. Election year man sa susunod na taon, marami pa ring magagawa ang pamahalaan huwag lamang ito mawala sa pokus – pagbangon muna, una sa lahat. Ang pagpraryoridad sa pagsagip sa mga negosyo at ekonomiya ay pagtitiyak ng panlipunang katarungan. Ang pagsisiguro ng katarungan, ayon sa Deus Caritas Est, ay sentral na responsibilidad ng estado at politika.
Sumainyo ang Katotohanan.