6,883 total views
Nangangamba ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa magiging epekto sakaling hindi tuluyang mahinto ang Manila Bay Reclamation Project.
Ayon kay PAMALAKAYA national chairperson Fernando “Ka Pando” Hicap, lubos nang apektado ang mga maliliit na mangingisdang nakatira sa paligid ng Manila Bay dahil sa patuloy na pagtatambak ng lupa sa dagat.
Sinabi ni Hicap nanganganib na tuluyang mawalan ng hanapbuhay ang mga mangingisda dahil sa kawalan ng nahuhuling isda, gayundin ang pangambang paalisin sa kanilang mga tahanan upang mabigyang daan ang mapaminsalang proyekto.
“More than just looking at the numbers, these are actual productive marine and aquatic ecosystems that will be destroyed by reclamation activities. Fisherfolk stand to lose up to 90 percent of their incomes and thousands will be displaced from coastal areas for these projects,” pahayag ni Hicap.
Sa tala ng Department of Environment and Natural Resources, 22 reclamation projects ang mayroong pahintulot sa Manila bay, kung saan 15 rito ang nasa bahagi ng Metro Manila habang ang nalalabing proyekto ay nasa karagatang bahagi naman ng Cavite, Bulacan at Bataan.
Una nang iniulat ng PAMALAKAYA na 300 pamilyang mangingisda ang nawalan ng tahanan dahil sa pagtatambak ng lupa sa karagatan sa bahagi ng Bacoor City, Cavite.
Iba pa ito sa mga apektadong coastal community dulot ng San Nicolas Shoal Seabed Quarrying Project sa baybayin ng Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, at Ternate na pawang mga bayan din ng Cavite.
Patuloy namang panawagan ng iba’t ibang makakalikasang grupo at human rights organization na higit na pagtibayin ang suspension order ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pamamagitan ng executive order na tuluyang magpapahinto sa lahat ng reclamation activity sa Manila Bay.
Nakasaad sa Laudato Si’ ni Santo Papa Francisco na magkaugnay na tungkulin ng bawat isa ang pangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon upang masaksihan ang kagandahan ng nag-iisang tahanan.