2,108 total views
Inihayag ni Fr. Raymund Owell Sadian ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Guadalupe sa Pagsanjan Laguna na isang biyaya ang pagkakatalaga ng simbahan bilang pandiyosesanong dambana.
Sa panayam ng Radio Veritas ibinahagi ng pari na mas lumago ang pananampalataya ng mamamayan sa lugar sa tulong at gabay ng Mahal na Ina makalipas ang isang dekada mula nang maitagang diocesan shrine ang parokya.
“Ang pagkakatalaga ng ating parokya bilang diocesan shrine ay isang biyaya at pagpapala…makikita po natin pagnanais ng mga tao lalo na po ng mga taga Pagsanjan na mapalapit kay Maria bilang ina ni Hesus,” pahayag ni Fr. Sadian sa Radio Veritas.
Bagamat century-old na ang parokya ay mas umigting ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Guadalupe sa kasalukuyan kung saan bukod sa taga Pagsanjan ay dumadayo na rin sa lugar ang mga deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas lalo sa Luzon.
Tinuran ni Fr. Sadian na malaki ang naimbag ng debosyon sa Mahal na Birhen upang mapalalim ang pananampalataya ng mamamayan at higit na mailapit kay Hesus.
“Sabi nga po ‘to Jesus through Mary at nakikita ko na yun ay kanilang niyayakap at pinaniniwalaan…kung wala ang debosyon na ito ng Mahal na Birhen ng Guadalupe ay walang relasyon kay Hesus; we must know Mary to Know Jesus,” ani Fr. Sadian.
Samantala ibinahagi ni Lay Historian Andrew Luis Babaan na nagsimula ang debosyon sa Our Lady of Guadalupe sa lugar nang dumating si Franciscan missionary Fray Agustin de la Magdalena na nagkaloob ng imahe ng Mahal na Birhen ng Guadalupe mula Mexico.
“Doon sa isang maliit na gawain ni Fray Agustin dela Magdalena noong November 12, 1687 ay itinalaga ang Pagsanjan bilang pinakamatandang simbahan under the title of Our Lady of Guadalupe…from that po nagsimula ang pagdedebosyon ng mga taga Pagsanjan sa patrona ng Amerika,” ani Babaan.
Sinabi ni Babaan na Marso 1945 nang mapinsala ang simbahan sa World War II kabilang na ang orihinal na imahe ng Our Lady of Guadalupe na dinala ni Fr. Magdalena.
Sa kasalukuyan nakadambana sa simbahan ang dalawang imahe ng Our Lady of Guadalupe na likha ni Maximo Vicente at imaheng ipinagkaloob ng mga deboto mula sa Mexico.
Matatagpuan din sa dambana ang stone relic mula sa Tepeyac Hill, Mexico City kung saan nagpakita ang Mahal na Birhen kay Juan Diego gayundin ang replica ng ‘Tilma’.
Nitong December 12, 2022 pinangunahan ni Infanta Bishop Bernardino Cortes ang pagsariwa sa koronasyong episkopal ng imahe habang nagdiwang din ng Banal na Misa si San Pablo Bishop Buenaventura Famadio at Bishop Emeritus Leo Drona.
Kasalukuyang pinamumunuan ni Fr. Renie Oliver ang diocesan shrine katuwang si Fr. Sadian na bahagi ng Diocese of San Pablo sa pangangasiwa ni Bishop Famadico.