239 total views
May 21, 2020, 3:24PM
Tiniyak ni Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo ang suporta at pakikipagtulungan kay Apostolic Vicariate of Jolo Sulu Bishop-elect Charlie Inzon.
Inihayag ni Cardinal Quevedo na kaisa ito sa mga gawain ng bagong pinunong pastol ng Jolo lalo’t malaking bilang ng populasyon sa lugar ay mga Muslim.
“I spread my collaboration and I express my fraternal collaboration with all the work that he (Bishop Inzon) does for the people of Jolo and the people of his vicariate is mostly Muslims,” pahayag ni Cardinal Quevedo sa Radio Veritas.
Dalangin ni Cardinal Quevedo para sa obispo ng Jolo na ipagpatuloy ang mabubuting gawain bilang misyonerong bahagi ng Oblates of Mary Immaculate (OMI) na nagsusulong ng pagkakaisa at kapayapaan sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim sa lugar sa mahabang panahon.
Matatandaang ikaapat ng Abril nang italaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Bishop-elect Inzon bilang obispo ng Jolo Sulu makaraaan ang dalawang taong pagiging sede vacante nang humalili si Bishop Angelito Lampon kay Cardinal Quevedo sa Arkidiyosesis ng Cotabato.
Ika – 21 ng Mayo ganap na alas tres ng hapon ay isinagawa ang episcopal ordination ni Bishop – elect Inzon sa Immaculate Conception Cathedral sa Cotabato City sa pangunguna ni Archbishop Lampon bilang consecrator habang co-consecrator naman sina Cardinal Quevedo at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Ibinahagi ni Cardinal Quevedo sa Radio Veritas na sampung katao lamang ang dumalo sa ordinasyon ni Bishop Inzon batay na rin sa kautusan ng Inter Agency Task Force hinggil sa alituntunin sa mga lugar sa ilalim ng General Community Quarantine.