208 total views
Aminado ang Malacanang na malaking kawalan para sa gobyerno ang pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, malaking tulong ang mga impormasyong nalalaman ng sumukong alkalde sa patuloy na pagtugis ng pamahalaan sa lahat ng mga sangkot sa pagpapalaganap ng kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Pagbabahagi ng Kalihim, maituturing na isang asset sa mas malalim na imbestigasyon ng pamahalaan sa industriya ng ilegal na droga sa bansa si Mayor Espinosa na ama ng isa sa mga itinuturong drug lord sa Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.
“Alam natin na si Mayor Espinosa ay malaking tulong ito sa ating gobyerno sa pag-galugad at sa paghanap ng mga involved sa illegal drugs kung baga, si Mayor Espinosa is an asset to the government’s investigation sa mga may sangkot o sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga. Lalong lalo na the upper echelons of the drug ring. I am also sad that this happened kasi nga malaki sana ang maitutulong ni Mayor Espinosa sa imbestigasyon ng ating gobyerno para ma-pin down kung sino-sino ‘yung mga involved sa illegal drugs. Lalong-lalo na ‘yung mga taong gobyerno na diumano’y may kinalaman sa paglago ng shabu sa bansa natin…” ang bahagi ng pahayag ni PCO Secretary Martin Andanar.
Kaugnay nga nito, kasalukuyan nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Justice, Philippine National Police at maging Commission on Human Rights sa tunay na dahilan ng pagkamatay ni Mayor Espinosa sa loob mismo ng kanyang selda.
Samantala, batay sa pinakahuling datos ng PNP, tinatayang umaabot na sa 4,000 ang napatay sa ilalim ng patuloy na War on Drugs ng pamahalaan mula noong buwan ng Hulyo.
Una nang iginiit ng Simbahang Katolika na nararapat pa ring pairalin ng mga otoridad ang proseso ng batas at bigyang paggalang ang karapatang pantao maging ng mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.