2,591 total views
Nasa krisis ang edukasyon sa ating bayan, kapanalig. Napakarami ng mga hamon na kailangang harapin sa sektor. Napa-importante na hindi myopic ang ating pananaw ukol dito – lawakan natin ang ating perspektibo upang ating makita ang mga suliranin sa sektor.
Ayon sa isang pagsusuri ng Philippine Business for Education (PBeD), may education crisis ang bayan at isa sa mga pangunahing hamon na kailangan harapin ay ang hindi pantay na access sa pormal na edukasyon. Ayon sa datos nito, mga 82.4% ng mga Pilipinong edad 25 ang nagsabing nakatapos na sila ng primary education, pero 30.5% lamang ang nakatapos ng high school at 24.4% lamang ang nakakatapos ng kolehiyo. Makikita rin na ang mga may kaya ang may access sa edukasyon dahil 49% ng mga mayayaman ay nakaka-pasok ng kolehiyo, pero 17% lamang sa mga mahihirap.
Maliban sa access, problema pa rin ang kalidad. Mababa ang ating mga scores sa mga international proficiency tests. Kulelat tayo sa mga reading and comprehension pati sa math at science assessments ng Program for International Student Assessment (PISA).
Maliban sa kalidad at access, ang pinaka-matinding problema sa sektor ngayon ayon sa PBeD ay ang mental health hindi lamang para sa mga estudyante kundi pati sa mga teachers, ang kakulangan ng suporta para sa mga guro, at ang mass promotion ng mga estudyante o pagpasa ng mga estudyante sa susunod na lebel kahit pa palyado ang mga grado nito. Ang huling problema na ito ay napaka-laki ng epekto – ito ang isa mga dahilan kung bakit marami sa ating mga mag-aaral, kahit na sa mataas na antas na, ay hindi pa rin hasa sa pagbabasa pati sa simpleng math operations.
Hindi natin malalampasan ang krisis kung hindi natin tatanggapin at aaminin ang mga suliraning ito. Kapanalig, hindi lamang pasilidad o imprastraktura ang problema ng education sector – ang mismong proseso ng pagtuturo at ang mga pinagdaanang hamon ng mga teacher at estudyante hindi lamang sa pandemya kundi sa kahirapan sa buhay, ay mga matitingkad na isyu na kailangan nating tutukan.
Kapanalig, ang tagal na isyu na ang mga ito, at lahat sila ay naging hadlang hindi lamang sa pagsulong ng edukasyon sa bayan, kundi sa pagsulong ng panlipunang katarungan. Ang patuloy na pagpapabaya sa mga isyung ito ay lalong nagpapahirap pa sa mga maralita. Nagpapakita rin ito ng ating pagkukulang bilang isang lipunan. Ayon nga sa Economic Justice for all: The way society responds to the needs of the poor through its public policies is the litmus test of its justice or injustice.
Sumainyo ang Katotohanan.