12,814 total views
Isinulong ng European Union sa Pilipinas ang EU bonds bilang maasahan at ligtas na investment gayundin ang pagtiyak na matatag na global currency ang euro.
Ito ang tampok sa dalawang araw na pagbisita ni European Commissioner for Budget and Administration Johannes Hahn sa Pilipinas kamakailan.
Nakipagpulong si Hahn sa ilang mga opisyal ng bansa lalo na sa mga tanggapang nangangasiwa sa pamumuhunan ng Pilipinas kabilang na si Department of Finance Secretary Ralph Recto.
“The Commissioner has taken the opportunity of his stay in Manila to promote investment in EU-bonds as a safe asset and the euro (EUR) as a stable global currency,” ayon sa pahayag ng European Union.
Itinampok ng EU na sa loob lamang ng ilang taon ito ang isa sa pinakamalaking issuer ng euro o katumbas sa 150 bilyong euro kada taon.
Ibinahagi rin ni Hahn na patuloy ang pagdami ng bilang ng mga mamumuhunan mula sa labas ng Europa kung saan sa kasalukuyan ay mayroon itong 1, 700 diversified investors base mula sa 70 mga bansa.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dumalaw sa Pilipinas ang isang European Commissioner for Budget and Administration na tanda ng mas maigting na pagtutulungan ng EU at Pilipinas sa usaping pamumuhunan at pangkabuuang pag-unlad.
Sa ensiklikal na Populorum Progression ni St. Paul VI itinuring nitong ‘promoters and apostles of genuine progress and true development’ ang mga indibidwal, grupo at mga bansang lumilingap sa mga lugar na nangangailangan ng tulong na tanda ng pagsasabuhay at pagpadama sa dakilang habag, awa at pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.